January 24, 2026

Home BALITA

Ombudsman, 'steady' pa rin matapos layasan ng ilang opisyal ang ICI

Ombudsman, 'steady' pa rin matapos layasan ng ilang opisyal ang ICI

Tiniyak ng Office of the Ombudsman na mananatiling matatag ang kampanya nito para sa pananagutan kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa katiwalian sa mga flood control project, kahit pa nabawasan muli ang mga opisyal ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Nag-iisa na lamang sa puwesto si ICI Chairperson Andres Reyes Jr. matapos kumpirmahin ni Rossana Fajardo, country manager ng SGV & Co., na magbibitiw na rin siya sa puwesto epektibo Disyembre 31. 

Nauna nang nagbitiw si dating Public Works Secretary Rogelio Singson na naging epektibo noong Disyembre 15.

Maki-Balita: Rossana Fajardo, nagbitiw bilang Commissioner sa ICI

Metro

MMDA, dinepensahan traffic enforcer na pinagbintangang nagtatago sa kalsada

Maki-Balita: ‘My body cannot take it anymore!’ ICI ex-Comm. Singson, stress sa trabaho kaya nagbitiw sa puwesto

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano nitong Sabado, Disyembre 27, 2025, hindi maaapektuhan ng mga pagbabagong ito ang paghahain ng mga kaso kaugnay ng isyu.

“Whether this signals the end or a transition phase of the ICI, the Office of the Ombudsman will remain steady in its pursuit of credible and hard evidence, quality cases, and real accountability,” ani Clavano.

Dagdag pa niya, “It is only a matter of time before we see more cases filed in court – many upon the recommendation of the ICI.”

Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na maaaring may isa o dalawang buwan na lamang ang ICI upang tapusin ang imbestigasyon nito sa mga kuwestiyonableng flood control project.

Ayon kay Clavano, mahalaga pa rin ang naging papel ng ICI na binuo sa panahon ng transisyon sa bagong Ombudsman upang masiguro ang mabilis at maaasahang fact-finding at imbestigasyon.

Sa kabila nito, pinuri ni Clavano ang mga pribadong indibidwal na tumanggap ng tungkulin sa komisyon, na aniya’y isang makabuluhang hakbang sa kasaysayan ng bansa.

Itinatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ICI noong Setyembre sa pamamagitan ng Executive Order No. 94. Mayroon itong “sunset clause,” o awtomatikong mabubuwag matapos maisakatuparan ang layunin nito o kung mas maagang ipag-utos ng Pangulo ang paglusaw nito.