January 26, 2026

Home BALITA

NCMH, dinagsa ng tawag ng mga nakaranas ng 'emotional distress' ngayong holiday season

NCMH, dinagsa ng tawag ng mga nakaranas ng 'emotional distress' ngayong holiday season

Umabot sa 451 ang mga tawag na natanggap ng National Center for Mental Health (NCMH) crisis hotline mula Disyembre 21 hanggang 26, 2025, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na karamihan sa mga tumawag ay humihingi ng tulong dahil sa anxiety at sintomas ng depresyon. 

Karamihan din sa mga tumawag ay mga young adult na edad 18 hanggang 30 taong gulang, at mas marami umano ang kababaihan sa panahon ng Kapaskuhan.

Ayon sa DOH, karaniwang tumitindi ang emosyonal na dinaranas ng ilan tuwing holiday season, na maaaring magpalala ng lungkot, dalamhati, o pakiramdam ng pag-iisa sa kabila ng kabi-kabilang selebrasyon.

Probinsya

Lalaking nambuhos ng mainit na kape sa jowa, sugatan matapos tagain at gantihan

Dagdag pa ni Domingo, maraming tumawag ang nag-ugnay ng kanilang nararamdaman sa mga problema sa relasyon, alitan sa pamilya, at labis na kalungkutan.

Mula nang ilunsad noong 2019, nakatanggap na ng mahigit 115,000 tawag ang NCMH wellness at crisis hotline, kabilang ang mahigit 36,000 kaso na may kinalaman sa pagpapakamatay, na karamihan ay mula sa Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon.

Batay sa datos ng NCMH, mula Enero hanggang Setyembre 2025 ay nakapagtala ng 7,189 suicide-related calls, kung saan pinakamarami ang naitala noong Hunyo, Agosto, at Setyembre.

Hinikayat ng DOH ang publiko na maging mapagmatyag sa mga senyales ng pinagdaraanan sa mental health at ipinaalala na ang mga nangangailangan ng agarang tulong ay maaaring tumawag sa NCMH hotline sa 1553 o makipag-ugnayan sa opisyal na Facebook page ng ahensiya para sa appointment.