January 11, 2026

Home BALITA

Lisensya ng mga agaw-eksenang driver na nag-rambol sa Marikina, nakaambang masuspinde!

Lisensya ng mga agaw-eksenang driver na nag-rambol sa Marikina, nakaambang masuspinde!
Photo courtesy: Contributed photo

Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) ang mga drayber at rehistradong may-ari ng mga sasakyang sangkot sa viral road rage incident na naganap noong Disyembre 24, 2025 sa Marikina City Riverbanks.

Ayon sa LTO, ipinag-utos ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang paglalabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa mga drayber at may-ari ng isang Ford Ranger pick-up at Toyota Vios.

Inaatasan silang humarap sa LTO-Intelligence and Investigation Division (LTO-IID) sa East Avenue, Quezon City sa Enero 7, 2026.

Sinabi ni Asec. Lacanilao na kinakailangang magsumite ang mga nasasangkot ng VERIFIED o SWORN COMMENT o paliwanag upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa mga posibleng administratibong paglabag, kabilang ang reckless driving at obstruction of traffic. 

Drogang tinangkang ipuslit sa hamburger sa kulungan, kalaboso!

Kabilang din sa isinasalang-alang kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang lisensya ng mga drayber dahil sa pagiging improper person to operate a motor vehicle.

Samantala, batay sa beripikasyon sa LTO database, napag-alaman na noong Setyembre 9, 2024 pa ang huling rehistro ng Ford Ranger pick-up, kaya’t may pananagutan din ang may-ari nito kaugnay ng compulsory registration of motor vehicles.

Pansamantala ring inilagay sa “ALARM” status ang Ford Ranger pick-up at Toyota Vios, na nangangahulugang ipinagbabawal muna ang anumang transaksyon kaugnay ng mga sasakyang ito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Kasabay nito, iniutos din ni Asec. Lacanilao ang preventive suspension ng mga lisensya ng mga drayber ng dalawang sasakyan sa loob ng siyamnapung (90) araw habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ipinaalala ng LTO na ang hindi pagharap at hindi pagsusumite ng kinakailangang sinumpaang paliwanag ay ituturing na pagwawaksi sa karapatang marinig, at ang kaso ay pagpapasyahan batay sa mga ebidensyang nasa rekord.