Magdaraos ng memorial service ang House of Representatives para sa yumaong kinatawan ng ikalawang distrito ng Antipolo na si Rep. Romeo Acop bago ang sesyon ng Kamara sa Lunes, Disyembre 29.
Batay sa mga dokumentong umiikot, nagpalabas na ng imbitasyon ang Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III para sa memorial service ni Acop, na pumanaw noong Disyembre 21 matapos atakihin sa puso.
Ayon sa schedule, magkakaroon ng requiem mass alas-9:00 ng umaga, na susundan ng memorial program sa plenary hall ng Batasang Pambansa alas-10:00 ng umaga.
Si Acop ay nagsilbing kinatawan ng ikalawang distrito ng Antipolo sa ika-15, ika-16, ika-17, ika-19, at ika-20 Kongreso.
Natagpuan umano siyang nakahandusay sa sahig ng kanyang silid noong Disyembre 21 nang pumasok ang kanyang anak na si Karla Marie Acop kasama ang police officer na nakatalagang security detail. Isinugod siya sa Assumption Hospital alas-10:20 ng gabi ng parehong araw ngunit idineklara ring patay alas-10:56 ng gabi.
Kaugnay na Balita: Romeo Acop, pumanaw na; natagpuang walang malay sa kuwarto
Ang pagpanaw ng mambabatas ay kinumpirma at inanunsyo ng kanyang kapartido sa National Unity Party at kapwa kinatawan ng Antipolo na si Deputy Speaker Ronaldo Puno.