Hindi ko na kaya, Lord!
Nasabi mo na rin ba ang mga salitang ‘to sa buong taon ng 2025?
Malamang marami sa atin, hindi mabibilang sa isang kamay kung ilang beses ito nasabi o naiyak pa nga sa mga nagdaang buwan.
Totoong maraming plot twists ang 2025 para sa marami, mula sa mga nangyari sa politika at mga kalamidad, hanggang sa personal na buhay, pagkawala man ito ng trabaho, kinapos sa pera, pagdapo ng sakit, o kaya’y nawalang closeness sa isang kaibigan o kapamilya.
Hindi natin alam kung ano ang mangyayari bukas, sa mga susunod na linggo, o sa mga susunod pang buwan, pero kahit na ganoon, umabot pa rin tayo sa dulo ng Disyembre.
Natuto tayo, nag-mature, at tila iba na ang January self natin sa December self natin.
Sa kabila ng lahat ng ito, nanatiling mabuti ang Panginoon, dahil kung iisipin, kahit gaano natin i-plano ang mga araw at buhay natin, nasa Kaniya pa rin ang “last say.”
Nanatiling hawak ng Panginoon ang buhay natin at hindi Niya tayo pinabayaan.
Sabi sa Bibliya, bagama’t hindi nawawala ang mga pagsubok at sakit ng kalooban at katawan sa mundo, pero pinaalalahanan Niya tayo na pagtibayin ang pananampalataya natin, dahil naipanalo na Niya ang mga laban natin sa buhay.
Tapat ang Panginoon, nakita natin ito sa mga nagdaang buwan, at sa pagpasok ng 2026, hindi kukupas ang lubos na pagmamahal Niyang ito para sa atin.
Kaya sa nalalapit na pagtatapos ng 2025, ipagpasalamat natin sa Diyos, hindi lamang ang mga nasagot natin na panalangin, kung hindi pati na rin ang mga natutunan natin sa paghihintay, at kung paano Niya ipinakilala ang sarili Niya sa harap ng mga pagsubok.
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot.” - Juan 14:27
Sean Antonio/BALITA