Ibinahagi ng Department of Health (DOH) ang lumabas na resulta sa isang pag-aaral na apat (4) sa bawat 10 mga Pilipino ang gumagamit ng online dating applications para maghanap ng kanilang karelasyon.
Ayon sa isinapublikong informational video ng DOH sa kanilang Facebook page noong Biyernes, Disyembre 26, ibinahagi nila ang naging resulta sa pag-aaral ng Modern Relationship Study noong 2021.
Bukod sa apat (4) sa bawat 10 mga Pilipino ang gumagamit ng online dating applications, aabot din sa tatlo (3) sa bawat 10 mga Pilipino ang nagkakaroon ng karelasyong nakikilala nila sa birtuwal na mundo.
“Ayon sa datos, nasa 4 out of 10 Filipino ang nakagamit na ng online dating applications, at halos 3 out of 10 ang nagkaroon ng relasyon sa taong nakilala online,” mababasa sa simula ng kanilang caption.
Screenshot mula sa video ng DOH (FB)
Samantala, nagbigay naman ng paalala ang DOH sa publiko na bagama’t hindi masamang makipagkilala sa mga taong nasa online world, dapat raw na matiyak muna lagi ng marami ang kanilang pansariling seguridad.
“Hindi masamang makipagkilala online basta’t natitiyak na ligtas at protektado ang sarili mula sa panganib sa kalusugan at seguridad,” pagtatapos pa nila.
MAKI-BALITA: Bilang ng road crash sa buong bansa, pumalo sa higit 200 ngayong holiday season
MAKI-BALITA: Bilang ng firecracker incident ngayong holiday season, pumalo na sa 28—DOH
Mc Vincent Mirabuna/Balita