Arestado ang tatlong lalaki, kabilang ang isang 19-anyos na senior high school student, matapos salakayin ng mga operatiba ng Bacoor Component City Police Station ang umano’y bentahan ng ilegal at mapanganib na produktong tabako na kilala bilang “Thuoc Lao” o mas kilala sa tawag na “tuklaw” o black cigarette.
Ayon sa pulisya, nag-ugat ang operasyon mula sa isinagawang pagsusuri sa cellphone ng isang naunang naarestong drug suspect, kung saan natuklasan ang mga usapan hinggil sa bentahan ng tinatawag na “tuks.”
Nasamsam sa operasyon ang dalawang maliliit na itim na kahon na may tatak na “Vegas Slims Pack” na naglalaman ng kabuuang 14 na rolyo ng itim na sigarilyo na hinihinalang gawa sa tuyong Nicotiana rustica plant.
Narekober din ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana.
Inamin umano ng mga suspek na mula sa Metro Manila ang pinanggalingan ng mga ipinagbabawal na produkto.
“Based sa initial research, ‘yong mga fan ng marijuana, nagle-level up—ngayon, mas nagugustuhan na nila ‘yong effect ng Thuoc Lao,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Alexie Desamito, hepe ng Bacoor City Police.
Sinabi ng pulisya na ang Thuoc Lao ay bago pa lamang sa Pilipinas at nakatawag ng pansin matapos maiugnay sa mga insidente kung saan ilang kabataan ang umano’y nakaranas ng seizure-like symptoms matapos manigarilyo nito, kabilang ang biglaang pag-uga ng katawan at hindi sinasadyang pagkibot ng mga kalamnan.
“Nagkakaroon ng uncontrolled effect—nagsi-seizure sila na parang mga zombie,” ani Desamito. “Kaya ‘yong iba diyan, nadi-disgrasya.”
Ayon sa National Tobacco Administration (NTA), ang Thuoc Lao ay isang uri ng halamang tabako na itinatanim sa bulubunduking lugar sa Northern Vietnam. Maaari umanong umabot sa 9% ang nicotine content nito, mas mataas kumpara sa karaniwang sigarilyo na may isa hanggang tatlong porsiyento lamang. Dagdag pa ng ahensiya, ang naturang sigarilyo ay pinatibay umano ng synthetic cannabinoids at hindi awtorisado para sa importasyon sa bansa.
Batay sa pinakahuling datos ng NTA, ang mga ilegal na sigarilyo ay karaniwang nagmumula sa Indonesia at Malaysia at ipinapasok sa bansa sa pamamagitan ng dagat, na may mga entry point sa Zamboanga, General Santos, Davao, at Palawan.