Nagtamo ng paso at naputulan pa ng mga daliri ang dalawang menor de edad nang masabugan ng mga paputok na “whistle bomb” at “5-star,” ayon sa tala ng Department of Health (DOH).
Ayon pa sa report ng DOH nitong Sabado, Disyembre 27, hintuturo at hinlalaki ang natanggal sa walong taong gulang na batang nasabugan ng whistle bomb, habang dalawang daliri din ang naputol sa 16 taong gulang na menor de edad na nasabugan ng 5-star.
Simula Disyembre 21 hanggang 4:00 AM ng Disyembre 26, pumalo na sa 57 kaso na ang naitalang bilang ng mga nabiktima ng mga paputok.
Tala rin ng ahensya na 64% dito ay mga residenteng nasa edad 19-anyos pababa, habang 36% ang nasa 20-anyos pataas.
Pinakarami raw dito ang nasaktan mula sa 5-Star, kwitis, boga, at triangle.
Bagama’t 49% na mas mababa ang mga bilang kumpara noong 2024, ipinaalala ng DOH sa publiko na delikado ang paggamit ng mga paputok, iligal man ito o legal na ibinebenta.
Matatandaang kamakailan ay inilabas ng Philippine National Police (PNP) ang listahan ng mga ipinagbabawal na paputok na hindi puwedeng gamitin ng mga residente.
Kung sino man ang mahuhuling nagbebenta ng mga paputok na nasa listahan ay papatawan ng multang aabot sa ₱20,000 at maaari ding makulong ng anim na buwan hanggang isang taon.
MAKI-BALITA: Sa pagsalubong ng Bagong Taon: Bawal magpaputok, bawal magsubo ng torotot
KAUGNAY NA BALITA: 'Goodbye Chismosa, Goodbye Bading kasama sa listahan ng mga ipinagbabawal na paputok
KAUGNAY BALITA: Bawal sa mga bata? Plastik na torotot, 'di ligtas isubo sa Bagong Taon
Matatandaan din na nagsulong ng centralized at itinalagang mga pamilihan ng mga paputok at pyrotechnics ang PNP para sa mas ligtas na pagsalubong sa bagong taon.
MAKI-BALITA: 'Designated' na tindahan ng mga paputok sa bawat LGU, pinag-aaralan ng PNP
Sean Antonio/BALITA