Patay ang dalawang magkapatid matapos barilin sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Sawang Calero, Cebu City, noong umaga ng Pasko, Disyembre 25, 2025.
Kinilala ang mga biktima na sina Melber at Rommel Fernandez, na kapuwa na napatay sa mismong pagdiriwang din ng kaarawan ng kanilang ina.
Batay sa kumpirmasyon, agad ding nahuli ang suspek na kanilang kapitbahay, matapos lamang ang ilang araw.
Napag-alamang kalalabas lamang umano ng kulungan si Melber dahil sa kasong pagpatay sa kamag-anak ng suspek. Lumilitaw na paghihiganti ang motibo sa krimen.
Ayon sa asawa ni Rommel, dalawang lalaki ang pumasok sa kanilang bahay at unang binaril si Melber. Nang subukan ni Rommel na tulungan ang kapatid, siya rin ay binaril.
Naaresto ang gunman na kinilalang si alyas “Bruno,” na umamin sa krimen. Nabawi rin ng pulisya ang baril na ginamit sa pamamaril.
Pinuri ni Police Colonel George Ylanan, OIC-director ng Cebu City Police Office, ang mabilis na pagkakaaresto sa mga suspek at paglutas sa kaso. Sasampahan ng kaukulang kaso ang mga naaresto.
Labis naman ang hinagpis ng ina ng mga biktima na si Merlinda, na nawalan ng dalawang anak sa mismong araw ng kaniyang kaarawan at pagdiriwang ng Pasko.