January 04, 2026

Home BALITA

Rep. Leviste, napaluha sa presscon; budget ng distrito niya, ibinala raw laban sa kaniya!

Rep. Leviste, napaluha sa presscon; budget ng distrito niya, ibinala raw laban sa kaniya!
Photo courtesy: screengrab Leandro Legarda Leviste/FB

Napaluha sa kaniyang online press briefing si Batangas 1st district Rep. Leandro Leviste habang ibinabahagi ang umano’y pagbabanta sa budget ng kaniyang distrito.

Sa naturang press briefing nitong Biyernes, Disyembre 26, 2025, iginiit niyang isang mataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kumatawan umano kay DPWH Sec. Vince Dizon ang tumawag noon sa kaniya hinggil sa budget ng distrito niya.

“The fact that tinawagan ako tungkol sa budget ng distrito ko dahil sa ginagawa ko ngayon. Pero dahil ako ay nagtitiwala dahil tama naman na malaman ng publiko ang budget ng bawat distrito. The fact na tinawagan ako tungkol sa budget ng distrito ko sa gitna ng presscon…,” ani Leviste. 

Dagdag pa niya, “Ang budget ay ina-allocate din for purposes other than the need of the district. At minsan, ito nga rin ay ginagamit bilang leverage over member of Congress. Pero nagtitiwala po ko na hindi maapektuhan ang budget ng distrito ko dahil sa ginagawa ko ngayon.”

Korte Suprema nagpawalang-bisa ng kasal dahil sa ‘controlling,’ ‘demanding’ na misis

Matatandaang isa si Leviste sa mga kongresistang maingay na tumutuligsa laban sa mga kapuwa niya mambabatas sa House of Representatives na umano’y na uugnay sa maanomalyang flood control projects.

Bukod sa umano’y banta sa budget ng kaniyang distrito, noong Huwebes, Disyembre 25, nang ibahagi rin niya ang bilin niya sa kaniyang inang si Sen. Loren Legarda, hinggil naman sa banta ng kaniyang seguridad at kaligtasan.

“Kahit na Pasko, napag-usapan pa rin namin ang trabaho. Pinaalala ko sa aking ina ang aking bilin sa iba’t ibang mga tao: kung may mangyari sa akin, isapubliko ang lahat ng files na iniwan ko at tapusin ang ating sinimulang pagbabahagi ng impormasyon,” ani Leviste sa Facebook post.

KAUGNAY NA BALITA: 'Pag may nangyari sa'kin, release all the files!' Rep. Leviste, binilinan si Sen. Loren ngayong Pasko