Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes, Disyembre 26, na haharap sa kasong administratibo at kriminal ang isang pulis na umano’y nagpaputok ng kanIyang service firearm matapos makipagtalo sa tatlong batang nagpapaputok ng paputok sa Parañaque City.
Ayon kay acting PNP chief Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye ng insidente at iginiit niyang magkakaroon ng mahigpit na aksyon sakaling mapatunayang may nagawang malulubhang paglabag ang nasabing pulis.
Batay sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang 28-anyos na patrolman na nakatalaga sa PNP Maritime Group ay inaresto noong madaling araw ng Disyembre 25 sa Parañaque City dahil sa umano’y kasong grave threats, child abuse, at indiscriminate discharge of a firearm.
Sinabi ng pulisya na inaresto ang suspek noong Disyembre 24 sa Culdesac Road, Barangay Sun Valley, matapos magreklamo ang tatlong menor de edad na may edad 10, 12, at 15 taong gulang.
Ayon sa mga bata, hinarap sila ng pulis dahil sa ingay ng kanilang mga paputok at pinaputukan pa umano sila ng kaniyang 9mm service firearm.
Narekober ng mga rumespondeng pulis ang service firearm ng suspek, isang magazine na may tatlong bala, isang basyo ng bala, at ang kaniyang PNP identification card. Nanatili sa kustodiya ang pulis habang inihahanda ang mga reklamong isasampa sa korte.
“The Philippine National Police will never tolerate any behavior that compromises public safety and the trust of the people,” pahayag ni Nartatez.
Dagdag pa niya, inaasahang magsilbing huwaran sa komunidad ang mga pulis at binigyang-diin na ang responsableng paggamit ng baril at disiplina ay pangunahing pamantayan para sa mga nasa uniporme.
Gayunman, nilinaw ni Nartatez na ang ginawa ng isang pulis ay hindi sumasalamin sa buong hanay ng kapulisan. Muli niyang iginiit na nananatiling committed ang PNP sa pagbibigay-proteksiyon sa publiko at pagpapatupad ng pananagutan sa loob ng organisasyon.
Maki-Balita: ‘Walang muzzle taping!’ PNP, tiwalang walang pulis na magpapaputok ngayong holiday season
Haharap ang naturang pulis sa kasong grave threats kaugnay ng Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at paglabag sa Republic Act No. 11926 o ang batas laban sa indiscriminate discharge of firearms.