January 01, 2026

Home BALITA

Palasyo, iginiit na mas marami pang maaaresto sa Bagong Taon

Palasyo, iginiit na mas marami pang maaaresto sa Bagong Taon

Inihayag ng Malacañang nitong Biyernes, Disyembre 26, 2025 na inaasahang may mas marami pang aarestuhin sa pagpasok ng Bagong Taon. 

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, nasa maagang yugto pa lamang ang imbestigasyon at nangangailangan ng sapat na panahon ang mga komplikadong kasong may kinalaman sa katiwalian, lalo na kung malalaking halaga ng pondo ng bayan ang sangkot.

“Some quarters are calling the Discaya couple as the new Napoles but their unexplained wealth is ten times over. Both spent Christmas in detention,” pahayag ni Gomez, na iginiit na kumilos na ang mga awtoridad laban sa mga pangunahing personalidad na iniuugnay sa mga umano’y iregularidad.

Matatandaang patuloy ang imbestigasyon sa anomalya sa mga flood control project, kasabay ng pagtuligsa sa mga kritisismong nabigo ang administrasyon na ipakulong ang mga pangunahing personalidad bago mag-Pasko.

Probinsya

Matapos umanong mabaril sarili: Dueñas Vice Mayor, pumanaw na

Tinanggihan din ni Gomez ang mga alegasyong huminto ang imbestigasyon matapos ang mga holiday, at sinabing nagpapatuloy ang trabaho lampas ng Disyembre 25 at inaasahang lalo pang iigting sa mga susunod na linggo.

Nauna nang nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipakukulong ang mga responsable sa mga anomalya “before Christmas.” 

“The flood control investigation does not end on Dec. 25. It’s only been a little over four months. The Napoles probe took almost a year before people were sent to jail,” ayon kay Gomez.

Gayunman, iginiit ng mga kritiko na hindi umano natupad ang pangako ng Pangulo dahil pribadong kontratista, mga district engineer, at mga regional official lamang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang naaresto sa ngayon.

Dagdag pa ni Gomez, habang pinagtitibay na ang mga kaso, dapat umanong umasa ang publiko ng mga bagong kaganapan sa pagsapit ng Bagong Taon.

“There will surely be more thrown behind bars in the New Year,” aniya.

Nanindigan ang Palasyo na nananatiling matatag ang paninindigan ng administrasyon na papanagutin kapwa ang mga kontratista at opisyal ng gobyerno, at posibleng magbunga ang mga susunod na buwan ng mas matitinding hakbang sa isa sa pinakamalalaking kasong katiwalian na kinakaharap ng pamahalaang Marcos.