January 04, 2026

Home BALITA Probinsya

‘Mga bagong may ari ng mundo’ binarikadahan kalsada ng Davao Oriental

‘Mga bagong may ari ng mundo’ binarikadahan kalsada ng Davao Oriental
Photo courtesy; Manay MPS

Pansamantalang tumigil ang daloy ng trapiko sa Barangay San Ignacio, bayan ng Manay, Davao Oriental noong araw ng Pasko, Disyembre 25, 2025, matapos harangin ng isang grupong pinaniniwalaang miyembro ng isang kulto ang isang pampublikong kalsada.

Ang naturang grupo ay pinamunuan ng isang lalaki na nagpakilalang si Datu Watawat, na kilala rin bilang “Senior Ruben Hari.” 

Inaangkin umano niya ang pagmamay-ari umano ng mundo at iginiit ang awtoridad sa kalsadang kanilang hinarangan.

Sa mga kumalat na video sa social media, makikita ang mga kahoy na krus na inilagay sa gitna ng kalsada. Ayon sa mga saksi, may nakasulat na salitang “WAR” at “GUIDON” sa ilan sa mga krus. 

Probinsya

Toy gun lang? Lady driver na nagpakita ng baril, nanakot lang daw ng namamalimos

Namataan din ang ilang miyembro ng grupo na may dalang mga kahoy na espada habang nakapwesto sa kahabaan ng kalsadang hinarangan.

Iginigiit ng lider at ng kaniyang mga tagasunod na may karapatan umano silang maningil ng upa mula sa pamahalaan dahil sila raw ang may-ari ng mundo. Dahil dito, maraming motorista ang hindi agad nakadaan, na nagdulot ng pangamba at abala sa publiko.

Dahil sa lumalaking pag-aalala ng komunidad, rumesponde ang mga tauhan ng Manay Municipal Police Station at nakipag-usap sa grupo upang maiwasan ang karagdagang kaguluhan at matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Matapos ang ilang serye ng negosasyon, nagawang alisin ng mga awtoridad ang harang sa kalsada at muling pinayagang makadaan ang mga sasakyan, kaya naibalik ang normal na daloy ng trapiko.

Walang naitalang nasugatan sa insidente. Wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang pulisya kaugnay ng posibleng pagsasampa ng kaso o iba pang hakbang laban sa mga sangkot sa pagharang ng kalsada.