December 30, 2025

Home BALITA Probinsya

'Maling impormasyon!' Batangas gov't, pinabulaanan umano'y mapang-insultong press release ni Gov. Vilma Santos-Recto

'Maling impormasyon!' Batangas gov't, pinabulaanan umano'y mapang-insultong press release ni Gov. Vilma Santos-Recto
Photo courtesy: Vilma Santos-Recto/FB


Pinasinungalingan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas na nagbitaw umano si Gov. Vilma Santos-Recto ng mga mapang-insultong pahayag sa isang press release.

Kaugnay ito sa kumakalat na video sa social media kung saan sinabi umano ni Gov. Santos-Recto na kaya raw sila tinitira ay dahil nasa taas sila, at kaya tumitira ang iba kasi ang mga ito ay nasa ibaba.

“Nais pong linawin ng Tanggapan ng Gobernador na ang mga kumakalat na post tungkol sa naging press interview ni Gov. Vi ay maling impormasyon at pinuputol ang konteksto. Ang ilang bahagi ng interview ay pinili at inedit mula sa kanyang buong sinabi, na nagdulot ng maling naratibo na nagsasabing siya ay nang-iinsulto sa publiko,” saad ng Batangas Public Information Office (Batangas PIO) sa kanilang social media post nitong Biyernes, Disyembre 26.

Dagdag pa nila, “Sa katunayan, tinatalakay ni Gov. Vi ang lumalalang problema ng mga nagkalat na pekeng balita at mga bashers online. Ang mensahe niya ay isang paalala na tiyakin ang kredibilidad ng mga impormasyon, iwasan ang pagpapakalat ng maling balita, at protektahan ang wastong diskurso publiko.”

Nanindigan pa sila na hindi binatikos ng gobernador ang mga ordinaryong mamamayan, at hinikayat ang lahat na tiyakin ang kredibilidad ng mga pinagkukuhaan ng impormasyon.

“Hindi binabatikos ng Gobernador Vilma Santos-Recto ang ordinaryong mamayan, kundi tinutukoy ang mga panganib ng manipuladong content at sinasadyang maling impormasyon,” anila.

Probinsya

12.1°C, naitala sa La Trinidad, Benguet; amihan, inaasahang mas palalamigin pa ang panahon

“Hinihikayat ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang lahat na tiyakin ang mga pinagkukunan ng impormasyon at mag-ingat bago magbahagi ng anumang nilalaman na maaaring magdulot ng maling interpretasyon o maghatid ng pagkakawatak-watak ng publiko,” pagtatapos nila.

Photo courtesy: Batangas PIO/FB

Mababasa naman sa naturang post ng Batangas PIO ang komento ng netizens na nagpapasalamat sa paglilinaw na ibinahagi ng pamahalaang panlalawigan, at mayroon ding humihikayat na maging mas mapanuri at mapagmatyag hinggil sa mga nakukuhang impormasyon.

Vincent Gutierrez/BALITA