Nag-ugat umano sa laging pagiging late sa trabaho ng security guard ang isa sa mga dahilan kung bakit uminit ang tensyon ng tatlong sekyu at nauwi iyon sa pamamaril noong bisperas ng Pasko.
Ayon sa naging salaysay ng suspek sa naturang krimen noong Disyembre 25, sinabi niyang nagsimula raw noon sa inuman nilang magkakatrabahong guwardiya at nauwi iyon sa suntukan dahil kinompronta siya ng mga biktima.
KAUGNAY NA BALITA: 2 sekyu na naka-duty sa bisperas ng Pasko, todas sa pamamaril ng kapuwa security guard
“Nandito po ako sa gitna, magkabilaan po sila. ‘Yong isa po, masama na po ang tingin kaya lumaylo na ako,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Sabi naman no’ng isa, ‘ikaw, parang lagi ka nang umaalma sa akin—nagrereklamo ka.’
Anang suspek, ipinaliwanag raw niya sa katrabaho ang palagi nitong huli o late sa pagpasok bago magsimula sa shift nito.
“Sabi ko, ‘bakit hindi ako magrereklamo, sir, oras ng palitan natin six (6) o’clock. Lagi kayong late. 6:30 o seven o’clock kayo dadating.’ Lugi naman po ako noon,” aniya.
Matapos umano ng paliwanagan at suntukan ng mga sekyu, nakita ng suspek na bumunot ng patalim ang isa sa mga biktima.
Lumabas ang suspek sa lugar ng kanilang pinag-iinuman para magpalamig ng ulo at pagbalik nito, naabutan daw niyang tulog ang dalawang katrabaho.
Doon na nagkaroon ng pagkakataon ang suspek na barilin ang dalawang kasamahan.
“Nagpaalam nga ako sa dalawa. Isang utility, isang ahente, tapos ‘yong isang ka-buddy namin na pinauwi ko na. Sabi ko, ‘umuwi ka na—ate, umuwi ka na po. Patay na sila,” kuwento niya.
Ayon pa sa suspek, pinaalis din daw niya ang iba pang tao sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
“Pagkatapos ko pong barilin, nandoon pa sila. Sabi ko, umalis na kayo, patay na nga sila. Nataranta [sila], lumabas. Ako, hinubad ko ‘yong uniporme ko. Binalik ko ‘yong baril sa lagayan namin tapos sumakay ako ng taxi,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang patay ang dalawang security guard matapos umanong barilin ng kapwa nila guwardiya sa loob ng isang car dealership sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Miyerkules, Disyembre 24, 2025.
MAKI-BALITA: 2 sekyu na naka-duty sa bisperas ng Pasko, todas sa pamamaril ng kapuwa security guard
Mc Vincent Mirabuna/Balita