December 31, 2025

Home FEATURES

KILALANIN: Pinoy ‘tech visionary’ na si Dado Banatao

KILALANIN: Pinoy ‘tech visionary’ na si Dado Banatao
Photo courtesy: Harvard Club of Southern California (website)

Sumakabilang-buhay na sa edad na 79 ang Pinoy engineer at tech trailblazer na si Diosdado “Dado” Banatao noong Huwebes, Disyembre 25, sa Stanford, California, USA.

Ayon sa kumpirmasyon ng kaniyang pamilya, si Dado ay pumanaw dahil sa isang neurological disorder. 

“The Banatao Family regrets to share the sad news that our beloved Dado passed peacefully on December 25, 2025, surrounded by family and friends. He was 5 months shy of his 80th birthday, and ultimately succumbed to complications from a neurological disorder that hit him late in his life,” saad ng kaanak na si Rey Banatao sa kaniyang  Facebook post.

Ayon pa kay Rey, bagama’t ipinagluluksa nila ang pagpanaw ni Dado sa panahon ng Kapaskuhan, ipinagpapasalamat pa rin nila ang mga dasal at pakikiramay ng marami. 

Human-Interest

Rudy Baldwin sa magiging pinsala ng kalamidad sa 2026: ‘Maraming buhay ang mawawala’

“We are mourning his loss, but take comfort from the time spent with him during this Christmas season, and that his fight with this disease is over. We thank everyone for all the messages of support and prayers during this time,” ani Rey. 

Sino nga ba si Dado Banatao? 

Si Dado ay ipinanganak noong Mayo 23, 1946, sa bayan ng Malabbac, sa Iguig, Cagayan Valley, kung saan ang ama niya ay isang magsasaka, at ang ina nama’y kasambahay. 

Nakapagtapos si Dado ng kaniyang high school sa Ateneo de Tuguegarao, at nakuha naman ang kaniyang Bachelor of Science of Electric Engineering degree sa Mapua Institute of Engineering, bilang cum laude. 

Nakapasok si Dado sa Philippine Airlines (PAL) bilang trainee pilot matapos ang kaniyang kolehiyo, at kalauna’y pumasok sa Boeing, na isang American aerospace multinational corporation. 

Habang nagtatrabaho sa Boeing, pumasok si Dado sa Stanford University para sa kaniyang Master’s degree sa Engineering, at nakilala niya rito ang founders ng tech company na Apple, na sina Steve Jobs at Steve Wozniak.

Nang makuha ni Dado ang kaniyang Master’s degree, nagtrabaho siya sa iba’t ibang tech companies tulad ng National Semiconductor, Intersil, at Commodore International. 

Dito ay na-disenyo niya ang kaniyang kauna-unahang single-chip, 16-bit microprocessor-based calculator. 

Si Dado ay naging three-time startup co-founder ng mga kompanyang Mostron noong 1984, Chips and Technologies (C&T), noong 1985, at S3 Graphics noong 1989. 

Isa sa mga naging legasiya ng kompanya niyang C&T ay ang pag-develop nila ng system logic chip set para sa International Business Machines (IBM).

Dahil ang computers sa mga panahong ito ay komplikado dahil sa iba’t ibang chips na ginagamit rito para gumana, naging layon ni Dado na mas pabilisin ang computers systems at mas maging abot-kaya ito para sa marami. 

Makalipas ang maraming taon, itinuon ni Dado ang kaniyang atensiyon para makatulong sa mga Pinoy sa pamamagitan ng Tallwood Venture Capital at Philippine Development Foundation (PhilDev), na isang scholarship program sa estudyanteng nasa larangan ng engineering at teknolohiya. 

Taong 2015, isa si Dado sa mga na-feature sa 40 "Heroes of Philanthropy" ng Forbes Asia dahil sa kaniyang record ng mga pagsuporta at pagtulong sa kapwa. 

Bukod pa rito, kinilala rin si Dado bilang “Bill Gates of the Philippines” dahil sa kaniyang pioneering role sa larangan ng teknolohiya at mga computer. 

Isa pa sa mga legasiya ni Dado ay ang Dado Banatao Educational Foundation, na taon-taon, nagbibigay ng limang scholarship sa mga estudyanteng Pinoy na nais pumasok sa industriya ng engineering at teknolohiya. 

Parte rin siya ng Philippine Development Foundation, na tumutulong sa mga estudyante sa bansa na makapasok sa eskwelahan. 

Bukod pa rito, sa pamamagitan ng Banatao Filipino American Fund, tinutulungan ni Dado ang high school students sa California, na mayroong dugong Pinoy, para magpatuloy sa kanilang Engineering degree. 

Nagtayo rin si Dado ng computer center sa pinanggalingan niyang eskwelahan sa Cagayan Valley, kaya ito lamang ang public school sa bansa na mayroong modernong computer network. 

Sean Antonio/BALITA