Isinusulong ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakaroon ng centralized at itinalagang mga pamilihan para sa pagbebenta ng mga paputok at pyrotechnics upang mas mapalakas ang kaligtasan ng publiko bago ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. na inatasan na ang lahat ng police chief na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang tukuyin ang posibleng lokasyon ng mga itatalagang firecracker zones.
“By designating a specific area in every town or city where people could buy firecrackers and pyrotechnic materials, we can easily monitor and prevent the selling of illegal firecrackers,” ayon kay Nartatez.
Dagdag pa niya, “Centralized selling areas allow us to strictly inspect vendors and products. Mas madali naming matukoy kung alin ang legal at alin ang illegal na paputok. Kapag may designated firecracker zone, any sale outside that area will be considered unauthorized. Outside the zone, bawal.”
Ayon pa sa PNP, magkakaroon ng malinaw at nakikitang presensya ng pulisya sa mga itatalagang lugar ng bentahan.
Makikipag-ugnayan din ang pulisya sa Bureau of Fire Protection (BFP) upang magtalaga ng mga firetruck at emergency responders na agad reresponde sakaling may insidente.
Bukod dito, sinabi ng PNP na makikipagtulungan din sila sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang tamang panahon ng pagbebenta ng mga paputok bilang bahagi ng paghahanda para sa ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon.