January 11, 2026

Home FEATURES Kahayupan (Pets)

ALAMIN: Tips para sa ‘pet-safe’ na pagsalubong sa Bagong Taon

ALAMIN: Tips para sa ‘pet-safe’ na pagsalubong sa Bagong Taon
Photo courtesy: Unsplash

Ilang araw na lang, sasalubungin na ng buong mundo ang papasok na Bagong Taon. 

Nasa masigabong pagsalubong na ito ang ingay mula sa mga hiyawan, fireworks display, torotot, at mga paputok, dahil pinaniniwalaan ng maraming Pinoy na maitataboy ng ingay ang masasamang espiritu at malas. 

Gayunpaman, paulit-ulit na paalala ng mga awtoridad ang pag-iingat ng mga Pinoy sa paggamit ng mga paputok, alinsunod sa Republic Act (RA) 7183 o ang Firecracker Law, na nagre-regulate sa pagbebenta at paggamit ng mga paputok. 

Ito’y dahil ang mga paputok ay may malaking posibilidad na magdulot ng injuries sa mga gagamit, posibleng sunog sa mga kabahayan, at pagkasira ng kalikasan. 

Kahayupan (Pets)

ALAMIN: Mga dapat gawin sa pag-aalaga ng 'birdie' mo

Bukod pa rito, ang ingay mula sa mga paputok ay nagdudulot ng stress, takot, at pagkataranta sa mga alagang hayop, na ayon sa Charleston Veterinary Referral Center (CVRC), ay medical at physical hazard para sa mga hayop. 

Dahil ang mga alaga tulad ng aso ay pusa ay sensitibo sa mga malalakas na ingay at may posibilidad na tumakas ang mga ito papunta sa bakuran ng bahay o palabas sa kalsada, at masunog o makalunok ng mga maliliit na paputok. 

Ang stress din na nararanasan ng mga ito ay maaaring magdulot ng mga komplikasyon. 

Ayon pa sa pag-aaral ng CVRC, ang mga sumusunod na sintomas ay hudyat na para agad na dalhin ang alaga sa clinic:

- Sobrang paglalaway o pagsuka

- Pagkalito o unsteady na paglalakad

- Hirap sa paghinga

- Marka ng sunog sa balahibo o balat mula sa paputok o kahit ano pang firework-related injuries

Ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), ito ang tips para matiyak na ligtas ang mga alaga sa darating na pagsalubong sa bagong taon:

1. Iwasang dalhin ang alaga sa lugar ng fireworks at firecracker displays. 

2. Tiyakin na mayroong suot na collar at tag ang alaga para madali itong maibabalik kung sakali mang tumakas. 

3. Ilagay ang alaga sa isang ligtas at tahimik na kwarto, at bigyan ito ng kama at unan na puwedeng higaan. 

4. Tiyakin na hindi naririnig ang ingay sa kwarto at panatilihin itong nakasara. 

4. Bigyan ng maraming ehersisyo ang alaga ilang oras bago ang pagsalubong sa bagong taon para makatulog ito nang mahimbing. 

5. Ihanda sa tabi nito ang tubig at dumihan o potty nito para hindi na kakailanganin lumabas sa kwarto. 

Ayon pa sa PAWS, iwasan ang lubos na pagkayap sa alaga kapag nakakaramdam ito ng stress para maiwasan ang over-dependency o lubos na pag-asa sa amo tuwing nakakarinig ito ng malalakas na ingay. 

KAUGNAY NA BALITA: Sa pagsalubong ng Bagong Taon: Bawal magpaputok, bawal magsubo ng torotot

KAUGNAY NA BALITA: Bawal sa mga bata? Plastik na torotot, 'di ligtas isubo sa Bagong Taon

KAUGNAY NA BALITA: 'Goodbye Chismosa, Goodbye Bading kasama sa listahan ng mga ipinagbabawal na paputok

 Sean Antonio/BALITA