Nasawi ang isang tricycle driver matapos makasalpukan ang motoristang pulis bago sumapit ang Pasko sa Cardona, Rizal.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News nitong Huwebes, Disyembre 25, naganap ang nasabing aksidente sa Barangay Looc, Cardona, Rizal, noong gabi ng Miyerkules, Disyembre 24, 2025.
Papasok na umano ang motoristang pulis sa kaniyang trabaho nang makasalpukan ang tricycle na galing isang convenient store.
Ayon naman sa salaysay ni Deputy Chief of Police PCPT. Richard Dela Cruz ng Cardona MPS matapos ang aksidente, sinabi niyang umiwas daw sa traffic sign ang tricycle kaya ito sumalpok sa minamanehong motor ng pulis.
“According doon sa investigation namin itong tricycle [ay] iniwasan ‘yong traffic sign. Napunta siya doon sa lane ng ating pulis kaya nagkaroon ng head on collision. Both vehicles, total wrecked talaga,” aniya.
Ikinagulat din ng mga residenteng nakasaksi sa nasabing aksidente ng mga motorista mula sa malakas na pagsalpukan ng mga ito.
“Bigla po kaming may narinig na kalabog. Ang lakas. Akala po namin, may sumabog. Nakita na lang po namin, nakahandusay ‘yong pulis. Durog ‘yong motor na sinasakyan ng pulis tapos ‘yong tricycle [ay] nakataob na,” saad ng residenteng si Ferly Ramos.
Samantala, isinugod sa ospital ang dalawang motorista matapos ang aksidente ngunit idineklarang “dead on arrival” ang driver ng tricycle.
Bukod dito, kinakailangan naman umanong operahan sa ulo ang pulis ayon sa pamilya nito.
Mc Vincent Mirabuna/Balita