Humirit si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque tigil muna raw sa mga usapin tungkol sa problema ng bansa para ipagdiwang ang araw ng Pasko.
Ayon sa isinagawang Facebook live ni Roque sa kaniyang account noong Miyerkules, Disyembre 24, binati niya ang mga Pilipino para sa pagdiriwang ng Pasko.
Ani Roque, alam daw niyang mahirap ang pinagdaraanan ng maraming Pilipino ngayon dahil sa umano’y mga problemang kinakaharap ng bansa.
“Alam ko po ngayon na talagang napakahirap,” pagsisimula niya, “Mantakin ninyo, pinakamatinding kagutuman—mas matindi pa sa panahon ng Covid.”
Dagdag pa niya, “Napakasama po ng ekonomiya. ‘Yong ating piso nawalan na ng balor bagama’t natutuwa naman ‘yong ating mga OFW dahil mas marami na peso na naipadadala habang bumabagsak ang balor ng piso.”
Pagpapatuloy ni Roque, pinakamalala raw sa buong mundo ang pagbagsak ng stock market ng Pilipinas.
“Pero sa totoo lang po ang dami ng nasunog sa mga stock market. Ito po ‘yong mga middle class at upper middle class na talagang nagsusugal sa stock market dahil pinakamalala na po sa buong mundo ‘yong ating stock market,” aniya.
Giit ni Roque, tila raw walang aasahan ang taumbayan sa mga ganitong problemang pinagdaraanan ng bansa.
“At para bagang wala tayong aasahan na pag-unlad sa darating na panahon,” diin niya.
Sa kabila nito, hinikayat ni Roque ang publiko na “time out” o tigil daw muna pansamantala ang pag-iisip sa mga umano’y problema ng bansa para ipagdiwang ang Pasko.
“Pero gaya ng sinabi ko, time out muna dahil nakaugalian naman [na] natin kahit ano pa ‘yang mga problema na hinaharap natin, isang araw [sa] isang taon tayo’y magdidiwang,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: Sen. Dela Rosa, bumati rin ngayong Pasko
MAKI-BALITA: Mensahe ni PBBM ngayong Kapaskuhan: 'Let us bring kindness, happiness!'
Mc Vincent Mirabuna/Balita