Ibinunyag ni Batangas Rep. Leandro Leviste na inatasan niya ang kaniyang ina na si Sen. Loren Legarda na isapubliko ang lahat ng dokumentong hawak niya sakaling may hindi inaasahang mangyari sa kaniya.
Sa pamamagitan ng Facebook post nitong Huwebes, Disyembre 25, 2025, ibinahagi ni Leviste ang pahayag sa kanyang Christmas message, kung saan ipinaliwanag niyang pansamantala niyang itinigil ang paglalabas ng mga dokumento upang makapagsalu-salo ng Noche Buena kasama ang kanyang pamilya.
“Nag-break muna tayo sa pagbahagi ng mga files upang mag-noche buena kasama ang aking ina at ang aming Nanay Fely,” ani ni Leviste sa naturang Fb post.
Dagdag pa niya, kahit sa gitna ng Kapaskuhan ay patuloy pa rin ang kanilang mga talakayan tungkol sa trabaho sa loob ng kanilang tahanan.
“Kahit na Pasko, napag-usapan pa rin namin ang trabaho. Pinaalala ko sa aking ina ang aking bilin sa iba’t ibang mga tao: kung may mangyari sa akin, isapubliko ang lahat ng files na iniwan ko at tapusin ang ating sinimulang pagbabahagi ng impormasyon,” dagdag niya.
Nauna nang naglabas si Leviste ng mga dokumento sa social media na aniya’y ibinigay sa kanya ng yumaong DPWH Undersecretary na si Maria Catalina Cabral.
Ayon sa kaniya, naglalaman umano ang mga naturang files ng mga detalye hinggil sa mga panukalang infrastructure projects para sa 2025 at ang mga nakalistang proponents nito.