Naitala ng Department of Health (DOH) ang kabuuang 28 kaso ng mga pinsalang may kaugnayan sa paputok sa buong bansa mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 25, 2025.
Ayon sa ahensya, ito ay katumbas ng 50% pagbaba kumpara sa 56 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Sinabi ng DOH na ang datos ay mula sa 62 sentinel hospitals sa buong bansa na nagsasagawa ng pagbabantay sa mga insidenteng may kinalaman sa paputok.
Batay pa sa datos ng ahensya, 19 sa mga naitalang kaso ay sangkot ang mga indibidwal na may edad 19 pababa. Karamihan sa mga pinsala ay dulot ng mga paputok na 5-Star, Boga, at Triangle.
Patuloy namang pinaalalahanan ng DOH ang publiko na agad magtungo sa mga pagamutan sakaling magkaroon ng pinsalang dulot ng paputok at iba pang emerhensiyang pangkalusugan.
“Tumawag agad sa National Emergency Hotline 911 para sa emergency medical assistance,” ayon sa ahensya.