January 04, 2026

Home BALITA Metro

2 sekyu na naka-duty sa bisperas ng Pasko, todas sa pamamaril ng kapuwa security guard

2 sekyu na naka-duty sa bisperas ng Pasko, todas sa pamamaril ng kapuwa security guard

Patay ang dalawang security guard matapos umanong barilin ng kapwa nila guwardiya sa loob ng isang car dealership sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Miyerkules, Disyembre 24, 2025.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), natutulog umano ang dalawang biktima sa loob ng establisyemento nang barilin sila ng suspek.

Ayon sa pulisya, bago ang insidente ay sinabihan pa umano ng suspek ang isang sales agent na mayroon siyang papatayin.

“So accordingly, siya yung binabanggit niya na galit na galit na nagsabi na meron siyang papatayin. Yun nga lang wala siyang idea kung sino. Kaya nung makita niya na namatay nga ‘yung dalawang guard, yun yung sinabi niya ang identity nitong guard,” sabi ni PMaj. Jennifer Gannaban, tagapagsalita ng QCPD.

Metro

Ospital sa Makati, kulang ng blood supply, nananawagan ng agarang blood donors

Pagdating ng mga pulis sa lugar, natagpuan ang dalawang biktima na wala nang buhay. Iniulat ang insidente bandang alas-2 ng hapon, ngunit lumalabas sa imbestigasyon na nangyari ang pamamaril halos isang oras bago ito nai-report.

Nilinaw ng QCPD na naka-duty ang mga biktima nang mangyari ang krimen. Tinitingnan din ng mga awtoridad ang posibilidad na may naganap umanong inuman o pagtitipon sa loob ng lugar, dahil may naamoy umanong alak ang mga pulis nang dumating sila sa car dealership.

Samantala, nitong Huwebes, Disyembre 25, nang kumpirmahin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nasakote na ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa  Tondo.

Batay sa interrogation ng pulisya, nagawa raw ng mga suspek ang krimen dahil sa pambu-bully sa kanila ng mga biktima.

Ayon sa mga imbestigador, bago ang pamamaril ay umano’y nilapitan ng suspek ang isang empleyado ng isa pang car dealership sa lugar at inanyayahan itong sumama sa pagpatay sa dalawang security guard.

Ibinunyag din ng iba pang mga saksi sa pulisya na mas maaga nang nabanggit ng suspek ang kanyang intensiyong pumatay ng isang tao at humihingi pa umano ng tulong para maisagawa ito.

Gayunman, hindi umano ito sineryoso ng mga nakarinig ng pahayag at hindi nila inakalang ang tinutukoy ng suspek ay ang sarili niyang mga kasamahan sa trabaho.