Dalawang bata sa Iloilo ang nasugatan sa magkahiwalay na insidente na may kaugnayan sa paputok isang linggo bago ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
Ayon sa mga ulat, kapuwa tinamaan sa kanang mata ang mga biktima matapos sumabog ang “boga” o improvised cannon na kanilang nilalaro.
Isang limang taong gulang na lalaki mula sa Barangay Agdahon, Passi City, Iloilo ang nasugatan noong Disyembre 19, 2025. Ayon sa pulisya, naglalaro ang bata ng “boga” kasama ang kanyang 10 taong gulang na kapatid sa labas ng kanilang bahay nang biglang sumabog ang improvised cannon.
“Nagko-coordinate kami sa PSWDO kung ano ang maibigay na financial assistance pero sa atin sa health, bumabalik tayo sa kampanya natin sa Iwas Paputok para ang singular injuries ma-prevent natin sa future rin,” ani Dr. Rodney Labis, assistant head ng Iloilo Provincial Health Office (PHO).
Naoperahan na ang kanang mata ng bata at patuloy siyang nagpapagaling sa ospital habang mahigpit na mino-monitor ng Iloilo PHO.
Samantala, batay sa tala ng Iloilo PHO, isang siyam na taong gulang na babae pa ang mula sa Cabatuan, Iloilo ang nasugatan din matapos tamaan sa kanang mata ng “boga.” Ayon sa log ng PHO, nabigyan ng gamot ang bata bago ito pinauwi.
Ayon sa Department of Health (DOH), kabilang ang “boga” sa mga sanhi ng firecracker-related injuries sa Western Visayas tuwing Pasko at Bagong Taon, kung saan karamihan sa mga biktima ay edad isa hanggang 10 taong gulang.
“Starting 2022 up to 2024, we have increasing cases. In these increasing cases that I have mentioned, it is more of blast with no amputation or eye injuries. We have no deaths,” pahayag ni Dr. Fritzi Jeroso-Dequito, medical officer ng DOH-CHD 6.
Sa Bacolod City naman, namataan ang ilang menor de edad na naglalaro rin ng “boga” sa kabila ng presensya ng ibang residente sa lugar. Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ang pulisya sa mga opisyal ng barangay upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga menor de edad na nasa video.
Babala ng mga health authority, bukod sa paso, maaari ring magdulot ng malubhang sugat ang pagsabog ng “boga.”
“Well magiging disable talaga ang ating pasyente because permanent ang injuries. As much as possible i-avoid natin,” ani Dr. Clarrene Anne Barrios, general surgeon ng Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.