Masayang ibinahagi ni Sen. Risa Hontiveros ang kaniyang mensahe bilang pagsalubong sa selebrasyon ng Kapaskuhan.
Sa isang video message na ibinahagi ni Sen. Risa sa kaniyang social media post nitong Miyerkules, Disyembre 24, sinabi niya na ang Pasko ay isang pagkakataon upang magpasalamat, maghanda, at magbigay ng oras para sa pamilya.
“Maligayang Pasko po sa lahat! Mga kababayan, salubungin natin ang Pasko bilang panahon ng pahinga, paghilom, at muling pag-asa. Isa itong pagkakataon para makasama ang pamilya, magpasalamat at mag-recharge para sa mga darating na buwan,” panimula ni Sen. Risa.
Saad pa niya, “Sa bawat sulok ng bansa, nakita natin kung gaano katatag ang Pilipino. Ang dami nating pagsubok na hinarap ngayong taon. Marami ang nawalan ng tirahan, ari-arian, at mahal sa buhay sa magkakasunod na unos at kalamidad. Pero mas nanaig pa rin ang ating tapang, ang bayanihan at sama-samang pagbangon.”
Panawagan ngayon ng mambabatas ang patuloy na pagsisilbi bilang isang liwanag at gabay para sa iba.
“Kaya ngayong Pasko, ipagpatuloy po natin ang pagiging liwanag at gabay sa isa’t isa, tulad ng tala sa unang Pasko sa Bethlehem,” anang mambabatas.
“Malaki man o maliit ang bawat kabutihan natin ay nagdadala ng liwanag sa iba. Muli, Maligayang Pasko at nawa’y maging makulay, payapa, at puno ng pag-asa ang inyong pagdiriwang,” pagtatapos niya.
Nauna nang nagpahayag ng kaniyang pagbati sa darating na Pasko si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Atty. Leila de Lima.
“Merry Christmas except sa mga kurakot!” saad ni De Lima sa kaniyang social media post.
MAKI-BALITA: 'Merry Christmas except sa mga kurakot!'—Rep. De Lima-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA