Pinusuan ng netizens ang ibinahaging social media post ni dating Vice President at ngayon ay Naga City Mayor Leni Robredo matapos niyang i-upload ang ilang mga larawan sa isinagawang Christmas outreach para sa mga bata sa Zone 1, Barangay Concepcion Pequeña, at iba pang mga pagbisita sa ilang mga nasasakupan.
Sa naturang gawain, namahagi sina Mayor Leni at BINI member Mikha Lim ng pagkain at mga laruan upang pasayahin ang mga kabataang Nagueño ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay Mayor Robredo, matagal na nilang isinasagawa ang ganitong uri ng programa taon-taon, simula pa noong nabubuhay ang kaniyang yumaong asawang si Jesse Robredo, ngunit mas naging espesyal ang okasyon ngayong taon dahil personal na nag-sponsor si BINI Mikha ng Jollibee meals para sa mga bata.
"Kaibanan ta si Bini Mikha na nagpaogma sa kadakol na mga kaakian sa Zone 1, Concepcion Pequeña. Taon taon ta ini ginigibo poon kan nabubuhay pa si agom. Espesyal ngunyan dahil si Bini Mikha an nag sponsor kan si Jollibee para sa mga aki (Kasama ko si BINI Mikha na nagpasaya sa maraming bata sa Zone 1, Concepcion Pequeña. Taon-taon naming ginagawa ito simula pa noong nabubuhay ang aking asawa. Mas naging espesyal ito ngayon dahil si BINI Mikha ang nag-sponsor ng Jollibee para sa mga bata.)," aniya.
Kasabay nito, ibinahagi rin ng alkalde na isa ito sa mga pinakaabalang yugto ng kaniyang panunungkulan ngayong Disyembre. Kabilang sa mga mahahalagang kaganapan ang panunumpa sa tungkulin ng 89 na permanent employees ng Naga City Hall—ang kauna-unahang batch ng Mass Regularization Program na naglalayong bigyan ng seguridad sa trabaho ang mga empleyadong mahigit sampung taon nang nagsisilbi bilang casual employees.
Hindi rin pinalampas ng alkalde ang taunang Christmas party para sa mga anak ng city workers tulad ng mga basurero at street cleaners, isang tradisyong patuloy na isinasagawa bilang pagkilala sa kanilang mahalagang kontribusyon sa lungsod.
Bukod dito, dumalo rin si Mayor Robredo sa iba’t ibang Christmas gatherings ng Task Force Tubig, SK Mabolo, Sabang Barangay Council and Workers, Liboton Barangay Council and Workers, at Team Taong Lipod. Sa kabila ng sunod-sunod na aktibidad, nagawa pa niyang bumisita sa isang centenarian upang personal na iabot ang cash gift, at dumalo sa pulong ng Anti-Drug Abuse Council at sa Mancom Lunch Gathering.
Umani ng papuri mula sa publiko ang pakikiisa ni BINI Mikha sa mga gawaing pangkawanggawa, na lalo pang nagbigay-liwanag sa diwa ng pagbibigayan ngayong Pasko.