Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa mandatoryong pagbabayad ng 13th month pay ng employers sa kanilang mga manggagawa.
Sa ibinahaging social media post ng DOLE nitong Miyerkules, Disyembre 24, mapapanood sa video na ngayon ang huling araw ng pagbabayad ng 13th month pay.
“Paalala sa lahat ng employers at manggagawa: Ngayon, December 24, 2025, ang huling araw ng pagbabayad ng 13th month pay,” saad ng DOLE.
“Walang tatanggapin na kahilingan para sa exemption o deferment ng pagbabayad ng 13th month pay,” dagdag pa nila.
Binaggit din ng ahensya ang “Report of Compliance” ng bawat employer, kung saan responsable silang magsumite ng ulat ng pagsunod sa pamamagitan ng DOLE Establishment Report System (DERS), na papatak sa Enero 15, 2026 ang deadline.
“Ang pagsunod sa pagbabayad ng 13th Month Pay ay imo-monitor ng kaukulang DOLE Regional, Field, o Provincial Office,” pagtatapos nila.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: ‘Required’ ba na magbigay ng 13th Month Pay ang mga kompanya tuwing Holiday Season?-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA