January 04, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Di na vape, di na rin toma: Carlo Aquino, may bagong ‘bisyo’

Di na vape, di na rin toma: Carlo Aquino, may bagong ‘bisyo’
Photo courtesy: via MB

Ibinahagi ng aktor na si Carlo Aquino ang pinagdaanan niyang hamon sa kalusugan ngayong taon, na naging dahilan upang tuluyan niyang baguhin ang lifestyle—kasama na ang pagtigil sa pagbe-vape at pag-inom ng alak.

Sa panayam ng press sa ginanap na Metro Manila Film Festival (MMFF) Parade of Stars noong Disyembre 19, inamin ng 40-anyos na aktor na kapansin-pansin ang ibinagsak ng kaniyang timbang matapos ang sunod-sunod na proyekto sa telebisyon at pelikula.

Ayon kay Carlo, halos sabay-sabay niyang ginawa ngayong 2025 ang K-drama adaptation na "It’s Okay To Not Be Okay" kasama sina Joshua Garcia at Anne Curtis, "The Time That Remains," "Bar Boys," at isa pang pelikula kasama si Kapamilya actress Bela Padilla na nakatakdang ipalabas sa Marso 2026.

Ayon kay Carlo, muntik na nga raw siyang maoperahan dahil may nakitang bara sa kaniyang puso, dulot na rin ng pagod at stress.

Tsika at Intriga

Walang pa-anything, kukubra na lang? VIVA Films, binakbakan dahil kay Vice Ganda

“Muntik na (ma-operahan) kasi no'ng ginagawa namin itong pelikula na ito, actually halos sabay-sabay kasi ako this year,” ani Carlo.

“Buti na lang, hindi kailangan ng stent,” paglilinaw ng aktor. Gayunman, inamin niyang dumaan siya sa matinding pangangayayat at kinailangan ng seryosong pagbabago sa kaniyang pamumuhay. Sa ngayon, ayon kay Carlo, unti-unti na siyang nakakabawi at mas maayos na ang kanyang kondisyon.

Bagama’t nakahinga siya nang maluwag dahil hindi na kinailangang sumailalim sa major operation, inamin ng Bar Boys star na marami na siyang iniinom na maintenance medicines para sa cholesterol at high blood pressure. Tuluyan na rin niyang tinalikuran ang bisyong vape. May iba na raw siyang bisyo ngayon.

“Hindi na ako nagbe-vape, nag-quit na. Ang pinakabisyo ko na lang talaga ngayon is kape... and my daughter and my wife,” sabay tawa ng aktor.

Si Carlo ay mister ng Kapamilya star na si Charlie Dizon, at ang tinutukoy na anak naman, ay baby girl niyang si Mithi na anak nila ng dating karelasyong si Trina Candaza.

“Actually 'yong inom, tinigil ko na no'ng 2022 kasi may uric acid ako,” aniya, sabay biro na tila lakas maka-senior citizen na raw ng mga iniinda niya sa katawan.

Sa kabilang banda, in fairness, maraming nakapapansin na nananatiling youthful at relaxed ang aura ng aktor. Ayon kay Carlo, ang sikreto niya, tamang mindset lang.

“Na-master ko na 'yong pagre-reframe. Kapag may mabigat na nangyayari sa buhay, kailangan kong tingnan sa ibang perspective,” paliwanag pa niya.

Kaugnay na Balita: Muntik maoperahan! Carlo Aquino, bumagsak ang kalusugan