January 11, 2026

Home BALITA Internasyonal

'Call of Duty' developer Vince Zampella, nasawi sa car crash

'Call of Duty' developer Vince Zampella, nasawi sa car crash
Photo courtesy: Vince Zampella/IG

Patay sa isang malagim na aksidente sa Ferrari car si Vince Zampella, nasa likod ng sikat na "Call of Duty" video game at kasalukuyang pinuno ng Respawn Entertainment, na naganap sa Angeles Crest Highway sa Southern California noong Linggo

Ayon sa ulat ng international media outlets, Linggo ng Disyembre 21 naganap ang single-vehicle crash sa scenic road na matatagpuan sa San Gabriel Mountains, hilaga ng Los Angeles.

Minamaneho umano ni Zampella ang isang Ferrari na patungong timog nang ito ay lumihis sa kalsada paglabas lamang ng isang tunnel at bumangga sa isang konkretong harang.

Batay naman umano sa pahayag ng California Highway Patrol (CHP), tumilapon palabas ng sasakyan ang isang kasakay niya habang naipit naman si Zampella sa loob ng sasakyan na agad nilamon ng apoy.

Internasyonal

Salamat sa ref! 2 mangingisda, 3 oras palutang-lutang sa ilog dahil sa bagyo

Idineklara siyang dead on the spot, habang ang kasama niya ay binawian umano ng buhay sa ospital. Hindi pa agad inilalabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng nabanggit na kasakay ni Zampella.

Sa kasalukuyan, iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng aksidente sa paliku-likong highway na tanaw ang Los Angeles at San Gabriel Valley.

May isang saksi umanong nakakuha ng video ng insidente at isinumite ito sa mga imbestigador. Makikita sa video ang pulang 2026 Ferrari 296 GTS na mabilis na bumangga sa harang matapos lumabas ng tunnel.

Ang naturang sasakyan ay isang high-performance, mid-engine sports car na pinapagana ng hybrid twin-turbo V-6 engine na may lakas na higit 800 horsepower.

Si Zampella ay isang respetado at maimpluwensiyang game developer. Siya ang dating CEO ng Infinity Ward, ang studio sa likod ng tanyag at multi-million-selling na “Call of Duty” franchise, at kasalukuyang namumuno sa Respawn Entertainment, na kilala sa mga hit game titles sa buong mundo.

Nagluksa ang gaming community sa biglaang pagpanaw ni Zampella, na itinuturing na isa sa mga haligi ng modernong video game development.

Si Zampella ay 55 taong gulang.