December 30, 2025

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Jeepney driver sa Iligan, nagpalibreng sakay; pamasko sa mga pasahero

#BalitaExclusives: Jeepney driver sa Iligan, nagpalibreng sakay; pamasko sa mga pasahero

Hindi lang pala LRT at MRT sa Metro Manila ang may handog na libreng sakay para sa Pasko, kundi maging sa isang bayan sa Iligan City!

Umani ng papuri at paghanga sa social media ang isang jeepney driver sa Iligan City matapos mag-alok ng libreng sakay bilang pamasko sa kaniyang mga pasahero, ayon sa Facebook post ni Melanie Figueroa.

Si Melanie, o Teacher Melanie, ay isang gurong kilala rin sa kaniyang pagiging "Teacher Santa" at "Bayaning Guro" dahil sa kaniyang mga adbokasiya, at mukhang nakatanggap siya ng good karma sa pamamagitan ng simpleng pagsakay sa isang jeep na may libreng sakay.

Kaugnay na Balita: Guro, nagpapatulong para sa estudyanteng naulila sa ina matapos magsilang ng kambal

Human-Interest

Sa kauna-unahang pagkakataon: 'Noli Me Tangere' ni Rizal, isasalin sa Arabic!

Kaugnay na Balita: #BalitaExclusives: Teacher sa likod ng 'Laptop para sa Pangarap' atbp., itinanghal na 'Bayaning Guro'

Sa kaniyang Facebook post, ikinuwento ni Teacher Melanie na pauwi na sana siya matapos magpa-X-ray nang sumakay siya ng jeepney sa rutang Riverside–Palao. Hindi niya agad napansin ang nakapaskil na abiso kaya nag-abot siya ng pamasahe. Gayunman, magiliw siyang pinigilan ng driver.

“Ayaw na ma’am oh,” ani ng driver habang itinuturo ang isang bond paper na may nakasulat na "Libreng Sakay para sa Pasko." Laking-gulat at tuwa ni Melanie sa ginawang ito ng drayber. “As in dong?! Salamat kaayo,” aniya.

Habang nasa biyahe, kapansin-pansin umano ang saya ng mga pasahero. Bawat may magbabayad ay paulit-ulit na nagpapasalamat ang mga nakasakay, kabilang ang mga senior citizen.

Ayon pa kay Teacher Melanie, nalaman nilang ang naturang driver ay anak ng may-ari ng jeep at nagmula sa pamilyang may ilang pampasaherong sasakyan.

Sa kabila nito, pinili umano ng tsuper na maglibot sa lungsod at magbigay ng libreng sakay para sa pagdiriwang ng Pasko kahit isang araw lamang itong gagawin.

“Imagine, maglibot-libot siya sa city for this,” ani Melanie, sabay pagbati ng Merry Christmas sa driver at sa pamilya nito. Aniya, hindi raw ang halagang pamasahe—na nasa 13 piso lamang, o mas mababa pa para sa mga senior citizen—ang mahalaga, kundi ang mensahe ng kabutihang-loob na ipinakita ng drayber.

Sa isang eksklusibong panayam ng Balita, sinabi ni Teacher Melanie na unang beses pa lamang niyang nakaengkuwentro ng ganitong klaseng kabutihan. Hindi raw niya nakuha ang kompletong pangalan at pagkakakilanlan ng driver.

“First time ko po maka-encounter ng ganiyan. Imagine po buong araw siya magbabiyahe, o kahit kalahating araw lang, malaki na rin po iyon,” pahayag niya.

Dagdag pa niya, sapat na ang oras, pera at pagod na inalay ng driver upang mapasaya ang mga pasahero ngayong Pasko.

“Hindi naman po kalakihan ang matatanggap niya sa bawat pasahero. Ano ba ang 13 pesos o 10 pesos sa mga senior citizen? Pero ‘yong mismong ginawa niya, napaka-noble po. Hindi po biro ang ginawa niya, lalo na’t traffic pa,” ani Melanie.

Para kay Melanie at sa maraming netizens, nagsilbing paalala ang simpleng gawaing ito na hindi lamang pera ang mahalaga, kundi ang kabutihang maibabahagi sa kapwa—isang diwa ng Pasko na tunay na tumimo sa puso ng marami.