Usap-usapan ng mga netizen ang "story time" ng aktres at Quezon City councilor na si Aiko Melendez para kay Vice President Sara Duterte, sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Disyembre 23.
Isiniwalat ni Aiko na matagal na raw silang magkakilala ng Bise Presidente at mayroon pa silang personal na palitan ng mensahe.
Ayon sa aktres, isa sa pinakahinahangaan niya kay VP Sara ay ang paraan ng pakikitungo niya sa mga taong humihingi ng tulong—maliit man o seryosong usapin.
“Personal po siyang sumasagot sa mga mensahe,” ani Aiko, sabay-diin na kahit ikalawa sa pinakamataas na posisyon sa bansa si VP Sara, hindi raw ito lumilipas ng isang araw na hindi nagre-reply.
Ibinahagi rin ni Aiko ang isang kamakailang karanasan kung saan nag-message siya sa Bise Presidente at nakatanggap ng tugon sa loob lamang ng 30 minuto. Para sa kaniya, malaking bagay ito lalo na’t alam ng lahat kung gaano ka-busy ang iskedyul ng isang pambansang lider.
Aminado rin ang aktres na batid niya ang mahigpit na protocol sa paligid ng Bise Presidente at na kadalasan ay hindi nito personal na hawak ang kanyang telepono. Gayunman, hanga pa rin siya sa kakayahan ni VP Sara na makapaglaan ng oras—maging sa personal na usapan, seryosong isyu, o maging sa mga temang kailangang lagyan ng gaan at kaunting humor.
Hindi rin pinalampas ni Aiko ang pagbibigay-pugay sa katapangan ni VP Sara bilang isang babae. Ayon sa kaniya, marami na itong pinagdaanan ngunit hindi kailanman pinanghinaan ng loob.
Ang kanyang katapangan bilang isang babae ay hindi matatawaran. Napakarami na po niyang pinagdaanan, ngunit hindi siya kailanman pinanghinaan ng loob.
"Salamat po, Madam, dahil kailanman ay hindi ninyo pinaramdam sa akin ang bigat ng estado ng inyong posisyon. Salamat po dahil alam kong kahit anong mangyari, mayroon akong lider na kaibigan na laging nagpapaalala sa akin na mas mahalagang magsilbi sa bayan bago ang sarili," aniya.
Sa huli, nagpahayag ng paniniwala ang aktres na darating ang tamang panahon para kay VP Sara at ang Diyos mismo ang gagabay sa landas na nararapat para rito.
Hindi man tinukoy, naniniwala ang mga netizen na ang tinutukoy rito ng aktres at public servant ay posibilidad na maging susunod na pangulo ng bansa si VP Sara, pagkatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., kung siya ay kakandidato.
"At higit sa lahat, kapag tama na ang panahon at oras para sa inyo, ang Panginoon mismo ang hahawi ng daan kung saan kayo talaga nararapat," aniya.
“Mabuhay po kayo, at tunay na kulang ang salitang salamat,” pagtatapos ni Aiko.
Sinagot din ni Aiko ang isang tanong sa kaniya kung anong ginawa niya noong magkarelasyon pa sila ni Zambales 1st District Rep. at Deputy Speaker Jay Khonghun, at binabanatan nito si VP Sara.
Paliwanag ni Aiko, "Magkaiba ang personal relationships at political positions. Noong kami pa ni Cong. Khonghun, malinaw sa akin na may kanya-kanya kaming paninindigan, pananaw, at responsibilidad lalo na sa larangan ng pulitika. Hindi ko kailanman inako o isinapuso ang opinyon ng isang partner bilang sarili kong paniniwala, lalo na kung hindi ito tugma sa aking prinsipyo. Kung inyong naalala sumuporta ako ke Senator Marcoleta out of my own free will."
"Bilang isang indibidwal at public servant, may sarili akong boses at paninindigan. Hindi ko kailangang pumili ng panig sa paraang personal o emosyonal, dahil malinaw sa akin kung saan ako nakatayo: sa respeto, maayos na diskurso, at integridad. Hindi ko dn naging ugali ang magsabi ng mga nagawa ko at isapubliko sa isang tao na nakasama ko ng 7 taon. Hindi ninyo po ako mariringan ng ano mang laban ke Cong. Sa amin nalang un."
"Hindi rin ako naniniwala na kailangan kong “mamamagitan” sa pananaw ng dalawang adult na may sariling isipan at paninindigan. Ang mahalaga para sa akin noon and hanggang ngayon ay hindi ako nagsasalita o kumikilos laban sa aking konsensya, at hindi ko hinahayaang maikahon ang sarili ko base sa relasyon ko kanino man."
"Sa huli, pinili kong manatiling tapat sa sarili ko, sa mga prinsipyo ko, at sa respeto sa lahat kahit may mga sitwasyong hindi komportable o hindi madali."
"At oo, sagot ko ito hindi dahil chismis, kundi dahil mahalaga ang malinaw na pag-unawa sa boundaries ng personal at pampublikong buhay," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Aiko Melendez/FB
Samantala, narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens patungkol sa pa-tribute ni Aiko kay VP Sara:
"Mabait naman talaga si VP Sara pinapasama lang ang imahe ng mga kalaban sa Politika!lalo na yung may galit sa pamilya nila pero kami Taga Davao mas alam namin kung gaano kabuti ang nga puso nila kaya Kahit anong mangyari solid pa din ang suporta ng Dabawenyo sa pamilyang Duterte."
"Ganyan din ang mga Discaya mabait sa mga kaibigan empleyado madaling tumugon sa mga nangangailangan pero di basehan ang kabaitan sa mga kinaharap na issue lahat ng tao pwede magpakita ng ugali mabait masama masaya malungkot depende sa kaharap."
"So supportive naman po. There is saying nga po na: "Ang katawan sa sinag ng araw ay laging may anino." Damayan at pagkakaisa lang po talaga't huwaran kayo naming andito na mga simpleng mamamayan. Mabuhay po lagi."
"Natural, artista ka laya sasagott sya sa mga messages mo kasi makakatulong ka in the future, common sense kung ako when it comes sa mga conversations na mga ganyan, dapat discreet nalang po tayo."
"Kung isasapelikula ang life ni VP Inday,si Madam Aiko Melendez Fans lang ang super bagay..parehas na strong ang personality..pero soft sa mga taong nangangailangan..at pag pinagsumbungan mo umaaksyon."
"Kayulad ng sinabi mo, may kanya kanya tayong prinsipyo sa kahit ano mang latangan ng buhay. Kaya i respect you for airing your thought. Wisdom and belief. I am not a pro Sara Duterte. And i know that there are more deserving people that i want to give respect. Thank you."