Umani ng samu’t saring reaksiyon sa social media ang komento ng social media personality na si Rendon Labador matapos niyang magbigay ng komento kaugnay sa isyung kinasangkutan ng singer-songwriter na si Zack Tabudlo, na inintriga matapos sabihang umano’y “maasim” ang amoy habang nagtatanghal sa UST Paskuhan 2025.
Matatandaang nag-ugat ang isyu sa isang video clip na ibinahagi ng UST Tiger Radio, kung saan makikitang lumapit si Zack sa crowd na nasa barikada habang tagaktak ang pawis sa suot niyang gray shirt. Dahil dito, ilang netizen ang nagbigay ng masasamang komento tungkol sa amoy ng singer, na agad namang naging mitsa ng kontrobersiya.
Maki-Balita: Maasim daw? Zack Tabudlo, inintriga amoy sa UST Paskuhan 2025
“Okay lang may putok basta magaling kumanta. Yung ibang tao wala na nga talent ambaho pa. Support Zack,” ani Rendon sa kaniyang komento na mabilis na kumalat online, at ibinahagi pa sa isang Facebook page.
Photo courtesy: Screenshot from Rendon Labador/FB
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"normal lang naman sa tao pagpawisan at mag amoy pawis"
"backhanded compliment ba 'to haha"
"ang hirap kasi makikiamoy na lang kayo magagalit pa eh.. makinig na lang kc sa kanta eh. hahahaha"
"Pinuri na may simpleng lait hahahaha."
"Makinig lang dapat wag ng maki amoy."
Samantala, hindi nanahimik si Zack Tabudlo at naglabas na ng kainyang panig sa isang four-minute TikTok video na inupload niya noong Lunes, Disyembre 23.
Sa naturang video, diretsahang tinalakay ni Zack ang mga negatibong komento na kaniyang natanggap sa loob ng ilang taon sa industriya—mula sa kaniyang pisikal na anyo, talento, hanggang sa personal na isyung gaya ng amoy.
Ayon sa singer-songwriter, unti-unti nang nagiging nakakatakot na lugar ang social media, lalo na para sa mga taong nais lamang magpahayag ng sarili at ipakita ang kanilang talento.
Hindi man diretsahang pinatulan ang bawat komento, iginiit ni Zack na natural lamang ang pagpawis, lalo na sa mga live performances na puno ng emosyon at pagod.
Sa huli, umani naman ng suporta si Zack mula sa kanyang fans at kapwa artists, na nagpahayag ng paghanga sa kanyang tapang na magsalita at ipaglaban ang sarili laban sa mapanirang comments.
Kaugnay na Balita: ‘Lahat tayo pinagpapawisan!’ Zack Tabudlo, sumagot na sa intriga tungkol sa ‘amoy’ niya