Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na titiyakin nilang hindi magiging kuta ng mga taong sangkot sa mabibigat na krimen ang bansa.
Kaugnay ito sa pagkakaaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Bureau of Immigration (BI) sa isang 61 taong gulang na amerikanong pugante sa Tambuli Tower, Tambuli Seaside, Mactan, Cebu kamakailan, matapos mapag-alamang humaharap ito sa patong-patong na sexual offenses.
MAKI-BALITA: 61-anyos na dayuhan, arestado sa patong-patong na 'sexual offenses'-Balita
“This arrest shows that borders will not shield individuals from accountability,” saad ni PNP Acting Chief Police Lieutenant Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa ibinahaging ulat ng ahensya nitong Miyerkules, Disyembre 23.
Giit pa niya, “Hindi namin hahayaan na gamitin ang ating bansa bilang taguan ng mga taong sangkot sa mabibigat na krimen.”
Siniguro din ni Nartatez na ipagpapatuloy ng PNP ang mandato nitong sugpuin ang kriminalidad na isang banta sa kapayapaan ng komunidad.
“The PNP will continue to pursue those who pose a risk to public safety, wherever they may be hiding. Hindi kami uurong sa pagpapatupad ng batas laban sa mga kriminal na nagtatangkang umiwas sa hustisya,” anang PNP acting chief.
Ilan pa sa mga pokus ng PNP sa kasalukuyan ay ang imbestigasyon hinggil sa pagpanaw ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral, at ang deployment ng mga pulis upang siguruhin ang kapayapaan sa papalapit na pagsapit ng holiday season.
MAKI-BALITA: PNP, pokus na sa imbestigasyon ng mga isyung nauugnay kay ex-DPWH Usec. Cabral-Balita
KAUGNAY NA BALITA: PNP, inabisuhan mga mamimili laban sa scammers ngayong Christmas season-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
Photo courtesy: PNP, CIDG