Diretsahang sinagot ng aktres at Quezon City District 5 Councilor na si Aiko Melendez ang isang tanong kung paano niya hinarap ang sensitibong sitwasyon noong sila pa ng dating longtime partner na si Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun, lalo na sa panahong inaatake umano nito si Vice President Sara Duterte.
Nag-ugat kasi ang tanong nang mag-Facebook post siya ng kaniyang "story time" patungkol kay VP Sara nitong Martes, Disyembre 23.
Kaugnay na Balita: 'Tapang bilang babae, 'di matatawaran!' Story time ni Aiko tungkol kay VP Sara, umani ng reaksiyon
Sa comment section, natanong siya kung paano raw siya namagitan noong sila pa ng kaniyang ex-jowa, at sa pag-atake raw niya sa Bise Presidente.
"Nung kayo pa po ni Cong Khonghun at inaatake Nya po si VP, how did you balance it? If you don’t mind us asking. Did you try to intervene, did you assure VP na you didn’t share your boyfriend’s views, or how did you position yourself in the awkward dynamics of your relationship with either of them? Aiko Melendez. Asking lang for purely intellectual purposes and Hindi dahil chismosa po ako," tanong sa kaniya.
Hindi naman nagpaligoy-ligoy ang konsehal sa kaniyang sagot.
Ayon kay Aiko, malinaw para sa kaniya ang hangganan ng personal na relasyon at political positions.
Dagdag pa niya, hindi niya kailanman inako o isinapuso ang opinyon ng isang partner bilang sarili niyang paniniwala, lalo na kung taliwas ito sa kanyang mga prinsipyo. Binigyang-diin din ni Aiko na ang kanyang mga naging political choices ay sariling desisyon, gaya ng pagsuporta niya noon sa tumakbong senador, at ngayon ay ganap nang senador na si Sen. Rodante Marcoleta, na ginawa niya umano “out of own free will.”
Bilang isang indibidwal at public servant, iginiit ni Aiko na may sarili siyang boses at paninindigan. Hindi raw niya kailangang pumili ng panig sa paraang personal o emosyonal dahil malinaw sa kaniya kung saan siya nakatayo—sa respeto, maayos na diskurso, at integridad.
"Magkaiba ang personal relationships at political positions. Noong kami pa ni Cong. Khonghun, malinaw sa akin na may kanya-kanya kaming paninindigan, pananaw, at responsibilidad lalo na sa larangan ng pulitika. Hindi ko kailanman inako o isinapuso ang opinyon ng isang partner bilang sarili kong paniniwala, lalo na kung hindi ito tugma sa aking prinsipyo. Kung inyong naalala sumuporta ako ke Senator Marcoleta out of my own free will," aniya.
Nilinaw rin ng konsehal na hindi niya ugali ang isapubliko ang mga nagawa o detalye ng isang relasyon na tumagal ng pitong taon.
"Bilang isang indibidwal at public servant, may sarili akong boses at paninindigan. Hindi ko kailangang pumili ng panig sa paraang personal o emosyonal, dahil malinaw sa akin kung saan ako nakatayo: sa respeto, maayos na diskurso, at integridad. Hindi ko dn naging ugali ang magsabi ng mga nagawa ko at isapubliko sa isang tao na nakasama ko ng 7 taon. Hindi ninyo po ako mariringan ng ano mang laban ke Cong. Sa amin nalang un," aniya.
Tungkol naman sa isyung “pamamagitan,” mariin ang kaniyang paninindigang hindi niya ito nakikitang kinakailangan. Para kay Aiko, hindi niya responsibilidad na mamagitan sa pananaw ng dalawang adult na may sariling isipan at paninindigan.
"Hindi rin ako naniniwala na kailangan kong 'mamamagitan' sa pananaw ng dalawang adult na may sariling isipan at paninindigan. Ang mahalaga para sa akin noon and hanggang ngayon ay hindi ako nagsasalita o kumikilos laban sa aking konsensya, at hindi ko hinahayaang maikahon ang sarili ko base sa relasyon ko kanino man," paliwanag pa niya.
Ang pinakamahalaga raw sa kaniya noon at hanggang ngayon ay ang pananatiling tapat sa kaniyang konsensya—hindi nagsasalita o kumikilos laban dito, at hindi hinahayaang ikahon ang sarili batay sa relasyon sa kanino man.
Sa huli, pinili raw ni Aiko ang pagiging tapat sa sarili, sa kanyang mga prinsipyo, at sa respeto sa lahat, kahit pa may mga sitwasyong hindi komportable o hindi madali.
"Sa huli, pinili kong manatiling tapat sa sarili ko, sa mga prinsipyo ko, at sa respeto sa lahat kahit may mga sitwasyong hindi komportable o hindi madali," aniya.
Sa pagtatapos, sinabi pa niya, "At oo, sagot ko ito hindi dahil chismis, kundi dahil mahalaga ang malinaw na pag-unawa sa boundaries ng personal at pampublikong buhay. Hope this somehow clears the air mam."
Photo courtesy: Screenshot from Aiko Melendez/FB
Noong Oktubre 2025, kinumpirma ni Melendez na hiwalay na sila ng kaniyang ex-boyfriend, sa vlog ng showbiz insider at manager na si Ogie Diaz.
"After four months of reflection and careful consideration, Congressman Jay Khonghun and I, Councilor Aiko Melendez, have mutually decided to part ways and go our separate directions. This decision was not made lightly but comes from a place of respect and understanding of what is best for both of us at this time,” saad ni Aiko, sa ipinadala niyang text message kay Ogie.
REP. KHONGHUN VERSUS VP SARA
Noong Hulyo, tinuligsa ni Khonghun si Duterte kaugnay ng umano’y estratehiya nito sa pampublikong diskurso.
Nagbigay ng reaksiyon si Khonghun sa pahayag ni Duterte na umano’y nakipagsabwatan si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa International Criminal Court (ICC) upang ipaaresto ang ama ng huli, na si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11.
Ayon sa kongresista, ang naturang conspiracy theory ay “walang batayan, hindi tapat, at lubhang iresponsable.”
Dagdag pa ni Khonghun, ang mga pahayag umano ng Bise Presidente ay sumisira sa mga demokratikong institusyon at nagpapababa sa kanyang sariling kredibilidad.
Matatandaang in-impeach ng House of Representatives si Duterte noong Pebrero 5, at pagdating naman sa Senado, ito ay na-archive.
Nauna nang iginiit ni Duterte na ang impeachment case laban sa kaniya ay binuo umano ng kaniyang mga kalaban sa politika bilang paraan upang “alisin ang frontrunner” sa 2028 presidential race, kung saan idineklara niyang siya ang tinutukoy na frontrunner.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Rep. Khonghun tungkol sa naging pagsagot ng dating karelasyon sa tanong patungkol kay VP Sara.