Love is seen in the preparation.
Madalas, lubos na naghahanda ang marami bago dumating ang bagay o tao na inaabangan nilang mangyari o makita.
Napapansin ito sa mga simpleng bagay tulad ng paglalaan ng oras para sa isang tao sa kabila ng jam packed na schedule o kaya’y paglilinis ng bahay bago may pumasok na bisita.
Kung nagagawa natin ‘to para sa iba, paano pa kaya kay Hesus?
“Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.” - Mateo 6:21
Siya ang Immanuel, ang Diyos na malapit sa atin (Mateo 1:23), at nais Niyang mas mapalapit tayo sa Kaniya at mas makilala Siya (Santiago 4:8).
Sa dami ng nangyayari sa araw-araw, totoong madali nating makalimutan ang mga layunin natin at kung saan tayo tinawag, at kung minsan, madali pa tayong mapanghinaan ng loob at mag-alinlangan.
Kaya turo rin sa Bibliya na bilang mga Kristiyano, dapat mabuhay tayo batay sa pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita natin (2 Corinto 5:7), “eyes on Jesus” ika nga.
Bukod pa rito mahalaga na bago tayo humingi ng mga biyaya, tanungin muna natin kung handa tayo para rito.
Puwedeng humihiling ka ng promotion sa trabaho, pero handa ka na ba sa kaakibat nitong responsibilidad?
O kaya nama’y, pakiramdam mo “ready” ka na sa isang seryosong relasyon, kaya na ba ng budget at communication skills mo?
Kaya mahalaga na nakahanay ang puso sa kagustuhan at layon ni Hesus para sa buhay natin, dahil Siya ang nagbibigay ng tamang oras para sa mga bagay-bagay (Mangangaral 3:11).
Sa pagdiriwang ng Pasko at nalalapit na pagtatapos ng 2025, maglaan muna ng oras sa panalangin, at talagang kausapin si Hesus.
Dahil kapag ang puso ay nasa kamay ni Hesus, tiyak na maiingatan ito.
Sean Antonio/BALITA