Usap-usapan ngayon sa social media ang rebelasyon ni Kapuso actress Herlene Budol kaugnay ng umano’y hindi niya pagkakasama bilang ninang sa anak ng kaniyang dating kaibigang aktres at social media personality na si Bea Borres.
Sa panayam sa kaniya ni Boy Abunda sa programang "Fast Talk with Boy Abunda," diretsahang natanong si Herlene tungkol sa isyu.
Ayon kay Boy, bagama’t hindi malinaw ang buong kuwento, tila nagbigay na raw ng pahiwatig noon si Herlene na gusto niyang maging ninang, subalit tila “tinanggihan” umano siya ni Bea.
Nilinaw naman ni Herlene ang kaniyang panig. Aniya, hindi siya nasaktan, kundi napahiya lamang. Isa pa, ang paliwanag daw sa kaniya ni Bea, puno na raw ang listahan nito ng magiging ninang ng anak niya.
'Puno na raw ang listahan niya. Ako naman eh naapektuhan lang ako noong nagkukuwentuhan kami na parang gusto kong mag-ninang hindi dahil sobrang close namin. Gusto kong mag-ninang kasi parang kulang siya ng protector. Kulang siya ng taong—hindi man magga-guide—'yong poprotektahan siya with or without camera," sagot naman ni Herlene.
“Hindi naman ako nasaktan, Tito Boy, napahiya lang ako. Actually, hindi ko nga siya naisip eh,” pahayag pa ni Herlene.
“Hanggang sa paulit-ulit na lang may nagta-tag sa akin. Dapat hindi ka pala nagbo-volunteer kapag mga gano’ng klase ng bagay,” dagdag niya.
Sa kabila ng lahat, iginiit ni Herlene na wala siyang masamang loob at hindi niya intensyong palakihin ang isyu. Para sa kaniya, isa lamang itong aral na natutuhan, na hindi lahat ng mabuting intensyon ay kailangang ipilit.
Matatandaang noong Agosto, kinumpirma ni Bea ang pagbubuntis niya sa anak ng dating karelasyon, na hindi na niya pinangalanan.
Kaugnay na Balita: Bea Borres, kumpirmadong buntis!
Samantala, wala pang pahayag mula kay Bea Borres ukol sa nasabing isyu.