Usap-usapan ang naging panayam kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa ABS-CBN News Channel (ANC) kung saan natanong siya ng anchor nitong si Karen Davila kung talaga bang may arrest warrant na ang International Criminal Court (ICC) laban sa senador.
Matatandaang nanggaling mismo sa kapatid ni SILG Remulla na si Ombudsman Jesus Crispin "Boying" Remulla na may arrest warrant laban na kay Sen. Dela Rosa, kaugnay sa kasong "crimes against humanity" na isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyan pa ring nasa ICC detention facility.
Kaugnay na Balita: Ombudsman Remulla sa ICC warrant of arrest kay Sen. Bato: 'Abangan. Be patient'
Sinabi rin ni dating chief presidential spokesperson Aty. Harry Roque na may arrest warrant na raw ang ICC laban sa senador, at pinayuhan niya itong huwag papayag magpadakip hangga't hindi siya nahaharap sa isang korte sa Pilipinas.
Kaugnay na Balita: 'Wag ka pa-kidnap!' Harry Roque binalaan si Sen. Bato, arrest warrant 'out' na!
Si Dela Rosa, bago naging senador, ay siyang hepe ng pulisya sa panahon ng administrasyon ni FPRRD, at sinasabing umano'y isa sa mga "chief architect" ng madugong giyera kontra droga.
Matapos ang naging rebelasyon ni Ombudsman Remulla, hindi na pumapasok sa Senado ang senador, sa hindi pa malinaw na dahilan.
Kaugnay na Balita: Bato, halos 1 buwang absent! Gatchalian nausisa kung 'no work, no pay' rin mga senador
Samantala, nauntag naman ni Davila si Remulla kung talaga bang may warrant of arrest na ang ICC para sa senador.
"Is there really a warrant [of arrest]? Ano 'yong totoo?" tanong ni Karen.
"There's none!" sagot ni Remulla. "I’m saying this: there’s none—none that I know of."
"So why all these?" tanong pa ni Karen.
"But there might be!" singit pa ni Remulla sabay halakhak. "Magkaiba 'yon eh, 'di ba?"
Sabi pa ni Remulla, nakipag-ugnayan daw siya sa mga kaibigan ni Sen. Bato para sabihing wala pa siyang natatanggap na kopya ng warrant of arrest, kaya wala raw siyang dapat ipag-alala.
Sinabi naman ni Karen na sinabi mismo ng Ombudsman na may warrant na.
Sagot naman ni Remulla, "I don't know about the Ombudsman. I can only speak for myself."
Wala raw kaugnayan ang pamahalaan ng Pilipinas sa ICC, subalit ang taong talagang nag-iinsist na may warrant na laban kay Dela Rosa ay si dating senador Sonny Trillanes.
Naibahagi pa ni Remulla na nakita pa raw niya ang warrant of arrest na inisyu naman laban kay FPRRD.
Kaugnay na Balita: Sen. Bato, 'di lalabas hangga't walang malinaw na procedure sa arrest warrant ng ICC
Kamakailan lamang, nilinaw ng abogado ni Dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon na dapat daw munang klaruhin ang procedure ng gobyerno ng Pilipinas sa nagbabadya umanong warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa senador bago ito magpakita sa publiko.
Ayon sa naging pahayag ni Torreon noong Miyerkules, Disyembre 10, sinabi niyang nagtatrabaho pa rin naman daw ang mga staff at opisina ni Dela Rosa kahit hindi ito personal na pumapasok.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Dela Rosa hinggil sa mga naging pahayag ni SILG Remulla.