Bago pa man salubungin ang Bagong Taon, iniulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala na sila ng pitong katao na nabiktima ng paputok.
Ang naturang bilang ay naitala mula 4:00AM ng Disyembre 21 hanggang 6:00AM ng Disyembre 23, 2025, sa isinasagawang surveillance sa 62 sentinel hospitals na binabantayan ng DOH.
Ito ay 75% na pagbaba mula sa 28 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.Sa naturang bilang, 57% ang nagkaka-edad ng 19 taong gulang pababa habang 43% naman ang nagkaka-edad ng 20 taong gulang pataas.
Ayon sa DOH, pinakamarami sa mga biktima ay nasugatan dahil sa boga at 5 star.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ng DOH ang publiko na umiwas sa paggamit ng paputok.
Sakali naman umanong mabiktima ng paputok, kaagad nang kumonsulta sa doktor upang malapatan ng kaukulang lunas.