December 22, 2025

Home BALITA

Rep. Perci Cendaña, sumakay rin sa tren para sa libreng sakay sa mga LGBTQIA+

Rep. Perci Cendaña, sumakay rin sa tren para sa libreng sakay sa mga LGBTQIA+
Photo courtesy: Akbayan Rep. Perci Cendaña/FB


Sinuportahan ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña ang pa-libreng sakay ng Department of Transportation (DOTr) para sa “12 Days of Christmas: Libreng Sakay” nito para sa iba’t ibang sektor ng lipunan, kabilang ang LGBTQIA+.

Kaugnay ito sa inilabas na iskedyul ng DOTr, kung saan nakasaad na libre ang pagsakay ng mga solo parents at miyembro ng LGBTQIA+ ngayong Lunes, Disyembre 22 sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3.

Sa ibinahaging social media post ni Rep. Perci nitong Lunes, Disyembre 22, sinabi niyang ang inisyatibong ito ay isang pagkilala sa LGBTQIA+ bilang isang opisyal na sektor panlipunan.

“Paparating na sa lipunang malaya at pantay!” panimula ni Rep. Perci.

“Itong libreng sakay ng DOTr sa LRT at MRT stations para sa LGBTQIA+ community ay isang mahalagang hakbang ng gobyerno na i-recognize ang ating sector as an official sector,” saad pa niya.

Hiling naman ng mambabatas ang mas bukas na Kongreso para sa LGBTQIA+, upang makapagpasa ng mga batas para sa sektor na ito.

“Sana’y mas maging bukas pa, hindi lang ang executive, pati ang Kongreso, na kikilalanin ang karapatan ng LGBTQIA+ community at magpasa ng mga batas ukol dito,” pagtatapos niya.

Ilan din sa mga sektor na makikinabang sa libreng sakay ay ang mga persons with disabilities (PWD), students, senior citizens, at iba pa.

KAUGNAY NA BALITA: Unang araw ng ‘12 Days of Christmas: Libreng Sakay,’ simula na!-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA