January 26, 2026

Home BALITA National

‘Paano ako magkakaroon ng insertions sa 2025?’ Ridon, bumwelta kay Leviste sa umano’y ₱150 milyong insertions sa DPWH

‘Paano ako magkakaroon ng insertions sa 2025?’ Ridon, bumwelta kay Leviste sa umano’y ₱150 milyong insertions sa DPWH
Photo courtesy: MB, Leandro Legarda Leviste/FB


Sinagot ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon ang pahayag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste kaugnay sa ₱150 milyong road insertions ng Bicol Saro Party-list sa Pamplona at Pasacao, Camarines Sur.

Sa ibinahaging social media post ni Ridon nitong Lunes, Disyembre 22, sinabi niyang kababalik niya lang daw sa Kongreso, kung kaya’t mas mainam daw na ilabas na lang ni Leviste ang dokumentong iniwan ni Cabral.

“Kabababalik lang natin sa Kongreso ngayong taon, 30 June 2025, sa ilalim ng 20th Congress. Kaya paano ako magkakaroon ng insertions sa 2025 budget kung hindi pa ako congressman noong binuo ang budget na ito noong 2024, sa ilalim ng 19th Congress?” saad ni Ridon. “Kaysa lituhin niya pa ang publiko, mas magandang llabas nalang ni Batangas Rep. Leandro Leviste ang buo at hindi pa-konti-konting 2025 DPWH project listing with proponents na sinasabi niyang kasama ang mga sumusunod: a. Congressmen, b. Senators, c. Executive officials, ‘including Secretaries and Undersecretaries outside DPWH,’ d. Private individuals.”

“Marapat na ilabas niya ito sa pinakamaagang panahon. Hindi niya kailangan ng abiso mula sa Kongreso o kay DPWH Sec. Vince Dizon para gawin ito. Higit na mahalaga, mahalagang ipaliwanag ni Rep. Leviste kung bakit niya hindi ito inilabas pagkakuha niya ng sinasabi niyang dokumento mula kay yumaong DPWH Undersecretary Catalina Cabral noong September 4, 2025, o higit tatlong buwan na ang nakalipas. Mahalagang ipaliwanag din niya kung bakit ngayon lang niya binabanggit ang listahang ito, ngayong patay na ang nag-iisang maaaring makapagpatunay ng authenticity ng dokumentong ito,” dagdag pa niya.

Sa ulat naman ng Bilyonaryo News Channel kamakailan, itinanong ni Ridon kung bakit hanggang ngayon ay hindi ito nilalabas ni Leviste, gayong paulit-ulit daw itong binabanggit ng kongresista.

“My question to him is, it has been several months since these supposed documents had been provided to him, why has he not disclosed it up until today, hindi ba?” tanong ni Ridon.

Dagdag pa niya, “Kasi binabanggit niya in the last couple of days, e, na mayroon pong binigay na dokumento. Where is that list? And if that list is actually relevant to the flood control controversy, that list should have been disclosed in the soonest time.”

Giit pa ni Ridon, hindi naman na raw kailangan pang hintayin si Cabral, sapagkat may mga nakasuhan na at umuusad ang imbestigasyon kaugnay sa maanomalyang flood control projects—kahit pa hindi ito nagbigay ng kaniyang testimonya o mga pahayag.

KAUGNAY NA BALITA: 'Bakit ngayon lang?' Rep. Ridon, kinuwestiyon listahan ng insertions ni Rep. Leviste-Balita

Matatandaang sinabi ni Leviste kamakailan na matatapos raw ang imbestigasyon hingil sa maanomalyang flood control projects kung mailalabas ang nasabing mga dokumento galing kay Cabral.

KAUGNAY NA BALITA: ‘Listahan ng proponents ng DPWH insertions, nasa computer ni Cabral!’—Rep. Leandro Leviste-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA