December 22, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Lalaking nagnakaw, lumunok ng kuwintas na higit ₱1M presyo, hinintay ng mga pulis umebak

Lalaking nagnakaw, lumunok ng kuwintas na higit ₱1M presyo, hinintay ng mga pulis umebak
Photo courtesy: Freepik

Hindi na bago ang estilong paglunok o paglunon ng alahas sa mga kawatan upang hindi makita sa kanila ang ninakaw na bagay at makaiwas sa posibilidad na mahuli at mahimas-rehas.

Kagaya na lamang nang nangyari sa Auckland, New Zealand, kung saan nabawi ng pulisya ang isang mamahaling Fabergé locket na nagkakahalaga ng mahigit US$33,500 o nasa ₱1,115,946 matapos umanong lunukin ng isang lalaki sa gitna ng tangkang pagnanakaw sa isang tindahan ng alahas sa lungsod ng Auckland.

Ang balitang ito ay iniulat ng news outlet na NZ Herald noon pang Disyembre 3, 2025.

Ayon sa ulat, bandang 3:30 ng hapon nang rumesponde ang mga pulis sa isang jewellery store sa Auckland City matapos akusahan ang isang lalaki na kinuha ang Fabergé James Bond Octopussy Egg pendant at agad itong nilunok.

Human-Interest

ALAMIN: Gaano kadalas ba dapat magpalit ng kobrekama at punda ng unan?

Sinabi ni Inspector Grae Anderson sa mga panayam sa media outlet sa New Zealand na isinailalim ang suspek sa medical assessment, nang siya ay madakip.

Nagbantay naman sa kaniya ang mga itinalagang pulis at hinintay siyang dumumi para mailabas niya ang nilulon na pendant.

Kinumpirma rin ng awtoridad na muling napunta sa kustodiya ng pulisya ang pendant, matapos jumebs ng lalaking suspek.

Batay sa online listing, ang locket ay yari sa 18-karat na dilaw na ginto, may 60 puting diyamante at 15 asul na sapiro. Mayroon din itong ginintuang pugita sa loob, na may dalawang itim na diyamante bilang mga mata.

Sa hiwalay na pahayag na ipinalabas sa RNZ, kinumpirma ng Partridge Jewellers na naganap ang tangkang pagnanakaw sa kanilang Queen Street branch.

Dagdag pa ng Partridge, ibabalik ang pendant sa Fabergé matapos ang mga kinakailangang proseso.

Humarap na raw sa korte ang akusado noon pang Nobyembre 29, 2025 at hindi na raw umapela ng plea sa kasong theft na isinampa laban sa kaniya.