Naranasan mo na bang maramdaman na “unqualified” ka para sa isang bagay pero nagpapatuloy ka pa rin?
Sa trabaho man ito, sa eskwela, o sa iba pang assignment na tila napakalaki pero sa’yo ibinigay dahil malaki ang kumpiyansa sa’yo ng nag-atas na kaya mong panindigan at tapusin ang responsibilidad.
“Purihin ang Panginoon na aking malaking bato, na tinuturuan ang mga kamay ko na makipagdigma, at ang mga daliri ko na magsilaban.”
Mga Awit 144:1
Bilang Kristiyano, mahalagang tandaan na ang Panginoon ang nagbubukas ng mga oportunidad para makilala natin Siyang lubos at ng mga taong makakakita sa pamamagitan ng mga gawaing kaakibat nito.
Walang sinabi sa Bibliya na madali ang magiging pagsunod sa Panginoon, dahil sa mundo natin, palaging may mga pagsubok, pero pangako Niyang hindi Niya tayo iiwan (Juan 16:33).
Bukod pa rito, ang mga gawaing ito ay sadya para umasa tayo sa Kaniya dahil pangako rin ng Panginoon na kung anuman ang hilingin natin, kung naaayon ito sa layon Niya, ibibigay Niya ang nais natin, at kung hahanapin natin Siya, agad natin Siyang matatagpuan (Mateo 7:7).
Kaya bilang parte ng pananalig natin, sinasabi sa Bibliya na maiging pagtrabahuhan ang ibinigay sa ating gawain at magpursige nang may buong galak at pagpapasalamat (Colosas 3:23).
Sa nalalapit na pagtatapos ng 2025, nagawa mo na ba ang gawain na inuutos sa’yo ng Panginoon?
Kung hindi pa, mainam na iluhod mo ito sa panalangin at humingi ng lakas para magampanan ito nang maayos.
Sean Antonio/BALITA