Nag-alala nang husto ang mga netizen kay "Eat Bulaga" at "Drag Race Philippines" host Paolo Ballesteros matapos kumalat ang kuhang video ng kapatid niyang si Chiqui Ballesteros-Belen habang nagliliyab ang bahagi ng higanteng green ribbon sa mansyon ng una sa Antipolo.
Sa video ni Chiqui na naka-upload sa kaniyang Facebook post, makikitang nag-aapoy ang bahagi ng green ribbon na palamuti ni Paolo sa kaniyang pinagawang bahay.
"Pagkatapos maghapunan at magkuwentuhan, may pumuntang kapitbahay sa amin kagabi, sinabing ‘yung ribbon daw, umuusok," update ni Chiqui.
"Salamat po sa kapitbahay naming kumatok."
"Maaga mang nag-retire ang green laso ng Antipolo, ligtas at sama-sama pa ring magpapasko," saad ni Chiqui.
Bumaha naman ng encouraging words para kina Paolo mula sa mga netizen at sinabing mabuti na lamang at walang nasaktan sa kanila, at hindi rin natupok ang buong mansyong pinaghirapan ng TV host.
Matatandaang noong Oktubre 2021, ibinida ni Paolo ang ipinagawang mansyong mistulang malaking regalo, dahil sa malaking lasong nakaadorno sa tuktok nito.
Noong Disyembre 2017 lumipat sa naturang modernong bahay sa Antipolo si Paolo.
Ayon sa kaniya, ang bahay niya ay dinisenyo ni Architect Gerald Torrente at ito ay itinayo ng Electus Builders, Co. Nang mga sandaling iyon ay wala pang gold ribbon sa black cladding nito, na siyang nagbibigay ng mas sopistikadong facade sa bahay.
Kaugnay na Balita: Paolo Ballesteros, ibinida ang bonggang bahay niyang may disenyong regalo