Timbog ang isang 57-anyos na barangay captain at ang kaniyang 35 taong gulang na private bodyguard matapos ang isinagawang entrapment operation ng awtoridad sa Brgy. Caliraya, Lumban, Laguna kamakailan.
Ayon sa ulat na ibinahagi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Linggo, Disyembre 21, nasakote ng CIDG Laguna Provincial Field Unit, Provincial Intelligence Team (PIT) ng Laguna, at territorial police units ang mga suspek sa mismong barangay hall, matapos umanong magreklamo ang kanilang biktima.
Nakasaad din sa isinagawang imbestigasyon ng awtoridad na nagbebenta umano ang kapitan ng isang real property na hindi naman nito pag-aari.
Samantala, ang private bodyguard naman niya ang tumatanggap ng bayad mula sa kaniyang kliyente.
Matapos ang ikinasang imbestigasyon ng mga operatiba, napag-alaman ding nagmamay-ari ang mga suspek ng caliber 9mm at caliber 40 pistol.
Nahaharap ang dalawa sa kasong Estafa at Illegal Possession of Loose Firearms.
Vincent Gutierrez/BALITA