Tsinika ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa publiko ang ikinuwento raw sa kaniya noon ni dating Presidential Spokesperson na si Atty. Harry Roque nang unang beses nitong mapadpad sa male dormitory niya noon para mag-aral ng kolehiyo sa America.
Ayon sa naging pahayag ng DZMM Teleradyo kamakailan kay Remulla, napunta ang usapan nila kay Roque at sinabi ng secretary na kaibigan niya na ito noon pa.
“Kaibigan ko talaga ‘yon si Harry dating dati pa. UP pa ‘yan. Nag-i-scuba diving pa. Kasabay ko ‘yan,” pagsisimula niya.
Ani Remulla, ikinuwento raw sa kaniya noon ni Roque ang tungkol sa naging pagpunta nito sa America para mag-aral ng kolehiyo.
“Ang ganda ng kuwento niya sa akin. Noong college ‘yan, aktibista ‘yan si Harry. Bata pa ‘yan, 14 [years old] pa lang college na ‘yan sa sobrang talino,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Nag-aaktibista ‘yan. Pinagmumura niya si Imee Marcos. Pinaalis siya ng tita niya, pinadala sa America para mag-aral kasi akala [ay] papatayin.”
Pagpapatuloy ni Remulla, hindi raw nagustuhan ni Roque noong mag-aral sa unibersidad sa Illinois kaya lumipat ito sa isang unibersidad din sa Michigan.
“Nag-aaral siya sa Illinois, hindi niya nagustuhan. Hindi ko alam kung bakit. Lumipat siya ng eskwelahan sa University of Michigan,” aniya.
Ayon pa kay Remulla, nagulat daw noon si Roque nang unang beses nitong mapunta sa male dormitory nila at makitang walang mga saplot ang mga kaklase nito galing sa paliguan.
“Dinala daw siya ng taxi diretso doon sa male dormitory. Pagpasok niya raw, nagulat siya kasi lahat ng lalaki doong naglalakad [ay] hubo’t hubad galing sa paliguan,” ‘ika niya.
“Pagpasok hubo’t hubad. Karga-karga niya raw ‘yong maleta niya biglang pumasok. Sabi niya, ‘I’m home,’” pagtatapos pa ni Remulla.
Samantala, wala namang inilalabas na pahayag si Roque tungkol sa naging kuwentong ito ni Remulla sa publiko.
MAKI-BALITA: 'Anytime now!' Atong Ang, posibleng masilbihan na ng arrest warrant—SILG Remulla
MAKI-BALITA: SILG Remulla, kinumpirmang si Cabral bangkay na natagpuan sa Tuba, Benguet
Mc Vincent Mirabuna/Balita