Great things come in small packages.
Para sa mga hindi nabiyayaan ng katangkaran, ang pagiging maliit ay maituturing na “blessing and curse.”
Narito ang mga pangangantyaw mula sa mga kaibigan, mga bansag tulad ng “bansot,” “pocket-size,” o kaya nama’y “pandak,” lugi sa concerts dahil nahaharangan ng mga mala-posteng fans ang stage, at madalas magka-stiff neck dahil sa mga kausap na matatangkad.
Ngunit may mga pagkakataon din na mas nakakatipid ang mga “cute-size” sa damit dahil madalas, mas mura ang presyo ng damit sa kids’ section sa mga mall, mas mukhang bata kaysa sa iba, “youthful” ika nga ng marami, at extra leg room sa mga upuan sa sasakyan.
Ayon sa World Population Review, ang average height ng mga lalaki sa Pilipinas ay 165 cm o 5 ft. 5 in. habang sa mga babae naman ay 154 cm o 5 ft. 1 in.
Bilang komemorasyon sa National Short Person Day nitong Lunes, Disyembre 22, narito ang ilan sa mga maling paniniwala hinggil sa pagtangkad.
Nakakatangkad ang pag-inom ng gatas
Ayon sa Medical News Today, ang genetics ay may mahalagang gampanin sa height ng isang taon, at kapag umabot na ito sa adulthood, humihinto na ang pagtangkad nito. Kaya habang ang maayos na nutrisyon ay may malaking tulong sa growth at development ng katawan, nililinaw ng pag-aaral na ito na walang partikular na pagkain ang nakakatangkad.
Ayon sa VeryWellHealth, sa mga bata, nakatutulong ang gatas na mapataas ang posibilidad ng pagtangkad at maiwasan ang stunted growth, dahil mayroon itong insulin-like growth factor-1 (IGF-1) na may malaking gampanin sa pagtangkad.
Bukod pa rito, naglalaman din ito ng micro at macronutrients tulad ng calcium, protein, Vitamin D, Vitamin A, at Zinc.
Sa adults na lumagpas na sa puberty, titigil na ang pagtangkad.
Gayunpaman, dahil sa calcium at Vitamin D nito, makakatulong ang gatas para maiwasan ang osteoporosis, na sakit sa buto na nagdudulot para mawala ang mass at density nito.
Nakakadagdag ng height ang stretching exercises
Ayon sa healthline, walang pag-aaral ang sumusuporta sa pag-aaral na ito, kung saan naniniwala ang ilan na ang stretching exercises at iba pang sports, at physical activities ay nakakadagdag pa ng height sa adults.
Ito’y dahil humihinto na ang pagsasara ng growth plates ng isang tao pagdating ng edad 16 sa babae, at edad 14 hanggang 19 sa lalaki.
Habang ang compression at decompression ng discs sa spine ay nagdudulot pa ng malilit na pagbabago sa height ng mga tao sa adulthood, ang malaking pagbabago sa height ay mayroong maliit na posibilidad.
Garantisado ang pagtangkad kapag matangkad ang magulang
Ayon sa pag-aaral ng Medical News Today, pinaniniwalaan ng mga eksperto na 80% ng height ng isang tao ay genetic–ibig sabihin, ang height ng mga magulang nito ay maaaring tumukoy sa magiging pagtangkad nito.
Gayunpaman, hindi lamang ito ang nagsisilbing sukatan, dahil nakaaapekto pa rin ang ilang aspeto tulad ng nutrisyon, mga posibleng sakit at kondisyon, o kaya nama’y premature birth.
Ang masturbation ay nakakatangkad
Ang paniniwalang ito ay galing sa pag-aakala na ang masturbating ay “testosterone booster” kung kaya’t nakakatangkad daw ito, partikular sa mga nasa puberty pa.
Gayunpaman, ayon sa iba’t ibang pag-aaral, walang siyentipikong datos ang sumusuporta sa paniniwalang nakakatangkad ang masturbation maging ang pagdudulot nito ng stunted growth.
Dahil kahit na raw nakakadagdag ito sa produksyon ng testosterone, hindi ito sapat para makapagpatangkad ng isang tao.
Pagtalon pagtungtong ng Bagong Taon
Isa pa sa mga sinusunod na paniniwala ng maraming Pinoy ay ang pagtalon pagtungtong ng 12 AM, tuwing Enero 1 dahil tatangkad daw ang isang taong gagawa nito sa bagong taon.
Mahalagang tandaan na hindi ito suportado ng mga siyentipikong pag-aaral, kahit ano pa mang edad ang tumalon, dahil nakasalalay pa rin sa healthy lifestyle at genetics ng isang indibidwal ang height nito.
Sean Antonio/BALITA