Sabi nga, hindi dapat sukuan ang pangarap kahit na ilang beses mang mabigo sa pagkamit nito at hindi pa nalalasap.
Ganiyan ang nangyari sa 35 taong gulang na gurong si Roland John R. Visco ng Tagaytay City, matapos niyang mabigong makapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) sa 16 na pagtatangka, subalit kamakailan lamang, sa ika-17 niyang pagkuha, heto't isa na siyang ganap na LPT!
Sa panayam ng The Summit Express kay Visco,sinabi niyang nagtapos siya sa Cavite State University–Main Campus na may degree program na Sports and Recreational Management, isang desisyong hinubog ng matagal na pagmamahal sa sports at hangaring gawing propesyon ang hilig o interes niya.
Aminado si Visco na hindi naging madali ang kaniyang mga taon sa kolehiyo. Mula sa kursong Information Technology, nagpasya siyang lumipat sa larangan ng sports education, isang hakbang na kinailangan ng matinding pag-aadjust at sakripisyo. Dito raw niya natutuhan ang halaga ng resiliency, adaptability, at lakas ng loob na sundin ang sariling calling.
Habang bumubuo ng pamilya at nagtatrabaho bilang guro, inamin ni Visco na limitado ang kaniyang oras para sa pormal na review. Sa halip, umasa siya sa sariling disiplina, self-study, at mga aral na natutuhan mula sa aktuwal na karanasan sa loob ng silid-aralan.
Pinakamabigat na hamon daw sa kaniyang paglalakbay ang paulit-ulit na pagbagsak sa MAPEH component ng LET. Bagama’t nasubok ang kaniyang kumpiyansa, hindi tuluyang nawala ang pangarap na maging ganap na lisensyadong guro. Sa paglalapat ng LET major sa Physical Education, nagkaroon ng malinaw na pagkakatugma ang pagsusulit at ang kaniyang espesyalisasyon, kaya dito nagtagpo ang matiyagang paghahanda at tamang pagkakataon.
Dumating ang sandali ng tagumpay noong Setyembre 2025 LET nang tawagan siya ng isang kasamahang guro upang ibalita ang resulta. Ang balitang iyon ay nagdulot ng labis na ginhawa, pasasalamat, at tahimik na kagalakan.
Sa kasalukuyan, si Visco ay isang Physical Education instructor sa City College of Tagaytay, isang asawa, at ama ng dalawang anak.
"Fall down 16 times, stand up 17 times..."
"To those who are dreaming of passing the board exam, don’t fear failure,” aniya pa.
Congratulations, Teacher Roland!