December 21, 2025

Home BALITA

Victim application sa kaso ni FPRRD, bumaba raw?—ICC

Victim application sa kaso ni FPRRD, bumaba raw?—ICC
Photo courtesy; via ICC

Iniulat ng International Criminal Court (ICC) Registry na 303 pa lamang ang naisumiteng aplikasyon para sa victim participation sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, bilang na inilarawan nitong “limited” kung ikukumpara sa posibleng dami ng mga biktima.

Batay sa ulat na isinumite sa Pre-Trial Chamber I na may petsang Disyembre 19, 2025, sinabi ng Registry na pangunahing dahilan ng mababang bilang ng mga aplikasyon ang kawalan ng impormasyong pampubliko hinggil sa mga partikular na kasong isinampa laban sa dating Pangulo.

Ayon sa Registry, ang Document Containing the Charges (DCC) ng prosecution ay isinampa nang confidential noong Hulyo 4, 2025 at wala pang nailalabas na pampublikong bersiyon hanggang sa petsa ng pagsusumite ng ulat.

Dahil dito, sinabi ng Registry na ang Victims Participation and Reparations Section ay hindi nakapagbigay ng impormasyon ukol sa mga krimeng isinampa laban kay Duterte, sapagkat nananatiling kumpidensiyal ang DCC.

National

Principled partner sa Quad Comm: Benny Abante, nagbigay-pugay kay Romeo Acop

Ipinabatid din ng Registry na sinabi ng mga victim support groups sa Korte na magsisimula lamang silang tumulong sa mga posibleng aplikante kapag nailabas na sa publiko ang DCC at malinaw na ang saklaw ng mga akusasyon.

Dagdag pa ng Registry, mas mababa sa 5% ng 303 aplikasyon ang lumilitaw na direktang may kaugnayan sa 78 insidente ng pagpatay at tangkang pagpatay na tinukoy sa kumpidensiyal na charging document.

Ayon sa ulat, karamihan sa mga aplikasyon ay naglalarawan ng mga pagpatay o tangkang pagpatay na umano’y naganap sa ilalim ng anti-drug campaign ni Duterte, kapwa noong siya ay alkalde ng Davao City mula 2011 hanggang 2016 at noong siya ay pangulo mula 2016 hanggang 2019, subalit hindi saklaw ng mga insidenteng kasalukuyang nakasaad sa mga kaso.

Dahil sa malaking bilang ng tinatawag na “Group C” applications—kung saan hindi agad matukoy ang victim status—at dahil sa kakulangan sa oras, nagsumite ang Registry ng sample na 10 aplikasyon para sa konsiderasyon ng mga hukom.

Nagbigay rin ang Registry ng mga anonymized excerpts mula sa iba pang aplikasyon upang ilarawan ang mga karanasang isinalaysay ng mga aplikante, kabilang ang trauma, kahirapang pangkabuhayan, at takot sa posibleng pagganti.

“The family did not pursue a case, knowing they will not win,” ayon sa isang sipi na iniuugnay sa ama ng isang biktima. “You know Duterte. Even lawyers—if you are a lawyer of a drug case, you will be killed.”

Hiniling din ng Registry sa Chamber na linawin ang ilang usaping procedural, kabilang kung aling mga identity document ang tatanggapin at kung ang saklaw ng kaso ay limitado lamang sa 78 pinangalanang biktima o kung maaari itong palawigin upang isama ang mas malawak na pattern ng umano’y mga paglabag.