Sinabi ng Toll Regulatory Board na nagsisimula na ang pagdagsa ng mga biyahero papunta at palabas ng Metro Manila kaugnay sa papalapit na pagsapit ng Kapaskuhan.
Sa panayam ng DZMM Teleradyo sa tagapagsalita ng Toll Regulatory Board na si Julius Corpuz nitong Linggo, Disyembre 21, isiniwalat niya na nagsimula na ang “exodus” o “holiday travel” sa mga expressways sa bansa.
“Nagsimula po kahapon [Disyembre 20] ang ‘yong tinatawag na ‘Exodus,’ o ‘yong tinatawag [din] nating holiday travel. Noon pong after lunch yesterday ay ‘yong inaasahan natin na magkakaroon ng surge of motorists using the expressways like nangyari nga, at unti-unti po itong dumami [na] inabot pa nga po hanggang gabi,” panimula ni Corpuz.
Dagdag pa niya, “At ang nakakatuwa po ‘no dito sa nangyari kahapon, talaga pong marami ang naglakbay—hindi lamang papunta, pati palabas at papunta ng Metro Manila. So both northbound and southbound sa NLEX, at the same time dito rin sa SLEX ay nagkaroon ng kabigatan ng traffic.”
Bunsod daw nito, naantala ang ilang counterflow measures nila at hindi naipatupad dahil sa mabigat na trapiko.
Pinangalanan niya rin ang ilang bahagi ng NLEX at SLEX kung saan makikita ang talagang pagbigat ng trapiko.
“Ang medyo nagkaroon po ng pagbigat ng traffic dito sa parte ng NLEX is from Balintawak up to before Bocaue ‘no. So from that point, iba-iba pong situation ang nangyari. May parteng bandang Valenzuela, bandang Meycauayan, may naging heavy ang traffic both Northbound and Southbound. May mga portions din po dito going from C5, C3 road, ‘no,” aniya.
Dagdag pa niya, “Dito naman po sa SLEX natin, mayroon ‘yang mga pa-southbound. Ang nangyari bandang Calamba, but you know, there are portions na mabigat na trapiko na nagsimula sa South hanggang sa Skyway noong bandang hapon.”
Samantala, naibsan din naman daw ang traffic pagpatak ng 8:00 hanggang 9:00 ng gabi.
Nagsimula na rin daw ang Oplan Biyaheng Ayos Pasko 2025, bilang paghahanda ng mga toll operators sa inaasahang paglala at pagbigat ng trapiko ngayong holiday season.
“Bagama’t may kabigatan ang traffic, ay nagawaan po ng paraan at later on, ‘di naglaon, ay nagkaroon din naman ng kaluwagan,” pagtatapos niya.
Vincent Gutierrez/BALITA