December 21, 2025

Home BALITA

Sen. Marcoleta sa pagkamatay ni ex-DPWH Usec. Cabral: 'May nalungkot, may nagsasaya!'

Sen. Marcoleta sa pagkamatay ni ex-DPWH Usec. Cabral: 'May nalungkot, may nagsasaya!'

Nagkomento si Sen. Rodante Marcoleta hinggil sa kontrobersiyal na pagkamatay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Catalina Cabral.

Sa isang panayam ng isang media network kamakailan, sinabi ni Marcoleta na mula sa legal na pananaw, posibleng maapektuhan ang kaso dahil sa mga impormasyong hindi na maibibigay ni Cabral.

“Maraming epekto sa tingin ko kasi nga sa dami ng mga impormasyon na dapat sana’y nailahad niya o naikwento niya, maaaring yung iba ngayon ay hindi na makikita. Maaaring ang tatamaan ng mga impormasyon ay medyo nagsasaya siguro” ani Marcoleta.

Dagdag pa niya, “Kung tatanungin mo ko kung anong magiging epekto niyan, mayroong nalulungkot talaga, mayroong nagsasaya.”

National

Parang ang bilis? Doctor-health columnist, napatanong sa 'DNA analysis' kay Catalina Cabral

Binigyang-diin ng senador na maaaring mahirapan ang mga awtoridad na maglinaw sa isyu at tukuyin ang umano’y mga mastermind sa likod ng mga iregularidad sa flood control projects dahil sa pagkawala ng isang posibleng mahalagang source ng impormasyon.

“Kasi yung mga dapat na maibahagi alang-alang doon sa ikalilinaw ng kung sino ba talaga ang nagpasimuno niyan, kagaya ng binabanggit natin dito, palagi nating binabanggit na sana sa lalong madaling panahon, makita natin kung sino ang mastermind,” ayon sa kaniya.

Dagdag pa ni Marcoleta, “Ngayon ang isa sa epekto, baka mahirapan kung paano maituturo lahat yun.”

Sinabi rin ng senador na mas mainam sana kung mayroong maraming mapagkukunan ng impormasyon, subalit dahil sa nangyari, posibleng panghinaan ng loob ang iba na magsalita o lumantad.

Gayunman, naniniwala si Marcoleta na may mga pagkakataong may mga hindi inaasahang pangyayari na nagdadala pa rin ng linaw sa isang kaso.

“Pero sa kasaysayan naman, kung misan ay may tinatawag na ‘twist of fate.’ Sa ibang pagkakataon, bigla nalang lilitaw naman yung mga ibang…kasi mag-iiwan naman ng bakas lahat eh. Hindi naman iisang tao lang ang nakakaalam sa kanyang opisina,” ayon pa sa senador.